Abante Tonite Interactive

Magsisibuyas kawawa na naman

0 246

Kaye Dacer

Nalulungkot naman tayo sa patuloy na kalokohan diyan sa Bureau of Customs (BoC) lalo ngayong tatamaan ang mga kababayan nating magsisibuyas.

Naidulog sa atin ang hindi maawat-awat na iregularidad diyan sa BoC.

Mantakin ninyong sa kagustuhang kumita ng ilang tiwali sa BoC ay minamaniobra nila ang ilang legal na proseso sa kagawaran.

Sa sumbong sa atin, tumiba na naman daw nakaraang linggo ang mga tauhan ng X-Ray Inspection (XIP) sa Manila International Container Port (MICP).
Ganito ang modus ng grupo may 30 lata o container daw na naglalaman ng sibuyas ang dumatin­g pero bawang ang nakadeklara sa papel kapalit ang P200k padulas kada lata.

Mantakin mo nga naman ang swerte ng mga taga-XIP-MICP, bukod yan sa regular na tara o ‘for d boys’ na kanilang kinukuha sa mga nagpaparating ng mga lata.

Wala naman magagawa ang importer kundi bumigay dahil ang katwiran ng grupo ay sila ang bahala magbiyak sa iba pang hanay sa BoC katulad ng Assessment Section, ESS, Intelligence Group (IG) at kay Collector.

Nakakagigil dahil sa kalokohang ito ay magmumura ang sibuyas at tiyak tatamaan ang ating mga kababayan na nagtatanim nito lalo na diyan sa parte ng Nueva Ecija.

Tiyak ang latay na mga manananim ng sibuyas dahil nangako raw ang XIP-MICP sa nagpasok ng sibuyas na ang buwis na nagkakahalaga ng P180k ay kaya nilang ibaba sa P120k sa susunod nilang shipment.

Pero siyempre mangyayari lamang ito kapalit ng mas paldong halaga ng regular na tara.

Aba hindi lang pala collector ang mga lko dahil kaya pa nilang dayain ang anumang umiiral na polisiya sa pagpaparating ng mga kargamento.

Harinawa ay makarating kay Bureau of Customs(BoC) Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero ang panibagong kalokohang ito ng grupo na sumisira sa mga repormang kanyang pinasisimulan sa BoC.

Anong klaseng pagdidisiplina pa kaya ang kailangang ipa-tupad sa BoC para mapatino ang mga tauhan dito?

Ang nakakainis ay panira na sila sa ibi-nabangong imahe ng BoC ay mga salot pa sila sa mga kababayan nating magsisibuyas na halos ilang beses lamang umani ay nasusuong pa sa ganitong problema.