Abante Tonite Interactive

Magtipid sa tubig!

0 155

Ayan na nga! Nagsimula nang magpatupad ng water interruption ang Manila Water.

Ilang bahagi ng Metro Manila at Rizal ang inabisuhan na mawawalan ng tubig.

Unang bahagi pa lang ng Marso. Ni hindi pa opisyal na idinideklara ang tag-init sa bansa.

Ang tanong tuloy ng lahat: Paano pa kaya sa summer? E kung umentra pa ang El Niño, lalong lagot!

Bagama’t ang kalikasan ang nagdidikta ng ganitong mga kaganapan, mahalagang maintindihan na ang hagupit ng kalikasan ay palagiang epekto o kundiman ay pihadong may kontribusyon ng tao.

Hindi kasi dapat inaabuso ang natural na yaman. Hindi ‘unli’ ang tubig!

Natutuyo rin ang mga dam. Nasasaid din ang mga pinnagkukunan.

Kaya dapat ay hindi maaksaya at lalong hindi dapat todo-pasa sa paggamit ng natural resources.

Itong pangunahing concern ngayon ng gobyerno ay tubig sa gripo ng mga kabahayan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Pero meron pang ibang apektado ng pagkasaid ng mga dam at iba pang katubigan. Malaking problema ito ng mga magsasaka at iba pang sektor na nakasandal sa patubig ang kabuhayan.

Sana naman ay may nakakasa nang solusyon ang gobyerno sa naamoy na krisis sa tubig.

Hindi puwedeng walang remedyo ang pamahalaan sa problema na siguradong magpapahirap sa tao.