Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Magtiwala sa bakuna

0 336

May awa ang Diyos, malamang sa buwan na ito ay dumating na ang bakuna laban sa COVID-19 at kapag nangyari ‘yan, ako at si Vice Mayor Honey Lacuna ay mangunguna sa pagpapabakuna. Ito ay upang pahupain ang takot at duda na maaring naglalaro sa isipan ng ilan at upang palakasin ang kumpiyansa sa bakuna at pagpapaturok nito.

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, mas magandang tayo ay magpabakuna upang makalikha ng tinatawag na ‘herd immunity’ at nang tayo ay unti-unti nang makabalik sa dati nating buhay, bagamat mayroon pa ring pag-iingat at patuloy na pagsasagawa ng mga minimum health protocols at nang sa gayon ay muli na ding makabangon ang ekonomiya ng bansa.

Sa bawat forum, maging sa mga interview at maging sa aking lingguhang live broadcasts, paulit-ulit kong tinatawagan ang publiko, lalo na ang mga taga-Maynilan, na sumama sa libreng pagbabakuna na iniaalay ng pamahalaang-lokal ng Maynila.

Personal kong tinitiyak na tanging ang mga bakuna na inaprubahan ng ating health authorities at sertipikado bilang ligtas at episyente ang ating gagamitin para mass vaccination sa Maynila.

Gayundin, hinihimok ko ang publiko na anumang dumating na bakuna ay kunin na, dahil ang mga benepisyo ng bakunado ay higit na marami kaysa sa mga negatibong aspeto.

Kung walang bakuna, lahat tayo ay palagiang nasa one hundred percent ang panganib na makakuha ng COVID at mamatay mula sa nasabing sakit. Maaring hindi makapagbibigay ng immunity ang bakuna subalit tiyak namang ito ay makapagbibigay sa ating katawan ng proteksyon nang sa gayon ay hindi tayo mapunta sa ‘severe case’ sakaling maimpeksyon tayo. Samakatwid, naalis na ang posibilidad na tayo ay mamatay sa coronavirus.

Ngayon, dahil alam nating may mga duda at takot sa bakuna na nasa merkado na, handa akong makibahagi sa takot at duda na ‘yan.

Sa katunayan, titiyakin ko na anumang bakuna ang ituturok sa akin ay pareho din ng bakunang ipatuturok ko sa aking nasasakupan at sa mga interesadong magpabakuna nang libre sa Maynila.

Hindi ako partikular sa anumang brand o bansang pinanggalingan ng bakuna, dahil ang importante ay sertipikado ito bilang ligtas at magaling ng ating mga sariling national health authorities at mga eksperto.

Dapat tayong manatiling naniniwala sa sistema. Habang may mga pagkukulang minsan, dapat pa rin tayong maniwala na aandar ang sistema.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kailangan nating pagtiwalaan ang ating mga espeyalista, doctor at mga scientists na siyang gumagarantiya na ang isang produkto ay ligtas, sa halip na ilagay natin ang ating mga sarili sa patuloy na panganib ng kamatayan mula sa coronavirus sa araw-araw.

Uulitin ko, mas maraming benepisyong dala ang pagpapabakuna kaysa sa hindi pagkuha ng bakuna at anumang higit sa zero ay positive.

Imbes na iwasan ang panganib, naniniwala ako na mas makabubuting i-manage natin ito. Kailangan na nating sumulong at ituloy ang ating mga buhay nang may todong pag-iingat at patuloy na pagsunod sa mga itinakdang minimum health protocols.

Habang hinihintay ang bakuna, kami sa pamahalaang-lungsod ng Maynila ay walang tigil sa pagsasagawa ng ‘simulation exercises’ at ako ay nakasisiguro na perpekto na ang aming sistema sa oras na umpisahan na ang pormal na vaccination program.

Kelan lamang ay nagkaroon kami ng simulation exercises para sa COVID-19 vaccination sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) na pinamunuan ni director Dr. Ted Martin at lahat ng medical frontliners.

Ang Manila Health Department (MHD) naman sa ilalim ng pamumuno ng hepe nitong si Dr. Arnold Pangan ay nagsagawa ng simulation ng paglipat ng mga bakuna mula sa storage facility sa Sta. Ana Hospital patungo sa 18 target vaccination sites sa lungsod. Ang mga bakuna ay inilagay sa transport coolers bago dinala sa mga destinasyon nito.

Muli ay nananawagan ako sa mga interesadong magpabakuna na magrehistro sa www.covid19vaccine.com. Hindi porke nagparehistro ay hindi na maaring magbago ng isip. Gaya ng sinabi ko, maaring maging ‘choosy’ sa Maynila. Maaring magpabakuna o hindi at maari ding kunin ng isang tao o hindi ang anumang bakuna na available na.

Samantala, gagawin naman namin sa pamahalaang-lokal ang lahat upang makumbinsi ang publiko at ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng pagpapabakuna.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.