Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Magtiyuhin tumimbuwang sa bahay

0 199

Nasawi ang isang magtiyuhin habang sugatan ang mag-asawa nilang kamag-anak nang pagbabarilin ng dalawang ‘di kilalang suspek, kamakalawa sa Tondo, Maynila.

Namatay kaagad ang mga biktimang sina Raymond Tington at pamangkin nitong si Obet Tington, kapwa residente ng Barangay 146, Balut, Tondo, habang sugatan ang mga magulang ni Obet na sina Popoy at Bebeng.

Nakatakas naman ang dalawang suspek na pinaghahanap na ngayon ng mga pulis.

Sa imbestigasyon ng MPD-homicide section, nasa kasarapan ng tulog ang mga biktima nang pasukin ng mga suspek ang bahay alas-2:00 ng madaling-araw, at nang makita ang magtiyuhin ay kaagad na pinagbabaril.

Nalaman na sa ulo tinamaan si Raymond habang sa tagiliran naman si Obet.

Binaril din ng mga suspek sina Popoy at Bebeng na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at hita.

Tinangkang pigilan ni Popoy ang mga suspek pero nakatakas din ang dalawa na naglaho sa dilim.

Isinugod sa Tondo Medical Center ang mag-asawa na ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan.

Sa impormasyong binigay ng mga opisyal ng barangay sa lugar, nasangkot na umano noon si Raymond sa iligal na droga at nahuli-cam din umanong nakikipagbarilan sa kanilang lugar. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.