Abante Tonite Interactive

Magtuloy-tuloy sana

495

Kaye Dacer

Ang laki ng conviction rate sa mga kasong isinampa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa mga drug personality noong 2018.

Sa datos ng PDEA umakyat ito ng 46.82 porsiyento kumpara sa conviction rate noong 2017.

Ito ang kauna-unahang­ recorded high conviction rate sa drug cases na isinampa ng PDEA simula 2017.

Ayon kay PDEA Director Gen. Aaron Aquino ang mataas na conviction rate noong 2018 ay maaring iugnay sa aktibong partisipasyon ng mga abogado ng PDEA sa pre-trial proceedings ng mga PDEA-initiated drug cases.

Noong 2018 nasa kabuuang 41,583 kaso ang naisampa at nagresulta ito ng 13,111 kaso ng conviction na katumbas ng 81.82 percent ng lahat ng isinampang kaso.

Ito ay 46.82 % na mataas sa 35 % conviction rate ng 41,224 isinampang kaso noong 2017.

Saludo sa PDEA na nagpupursigeng isulong ang kaso laban sa mga nasasangkot sa iligal na droga.

Sa totoo lang kasi hindi naman magpo-prosper ang isang kaso kung hindi tututukan ng PDEA.

Hangad nating magpatuloy ang pagtaas ng conviction rate sa mga sangkot sa iligal na droga.

Sana sa susunod ay hindi lang halos kalahating porsiyento ang conviction, kundi ma­ging 100 porsiyento para makita ng mga sangkot sa iligal na droga na ganun kaseryoso ang gobyerno sa war on drugs.

***

Semana Santa na naman at tiyak marami sa atin ang magbabakasyon kaya ang ating paalala sa ating mga kababayan, huwag po nating pabayaan ang ating mga bahay na nakatiwangwang.

Ugaliin nating sumunod sa mga paalala ng Philippine National Police (PNP) para ligtas ang mga iiwanan nating ari-arian.

Hindi magandang nagsasaya tayo sa ating bakasyon pero pag-uwi naman natin ay matinding sakit ng ulo ang sasalubong sa atin.

Hindi rin dahil vacation mode tayo ay kakaligtaan na natin ang tunay na diwa ng Semana Santa.

Isang mapagpalang Semana Santa sa lahat at mag-ingat tayo sa ating mga biyahe.