Abante Tonite Interactive

Maguindanao mayor nilikida sa Maynila

332

Nasawi ang alkalde sa isang bayan ng Maguinda­nao na nasa ‘narcolist’ ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos barilin ng tatlong beses ng mga ‘di kilalang suspek sa harapan ng isang hotel kamakalawa sa Malate, Maynila.

Namatay noon din si Abdul Wahab Sabal, 45-an­yos, mayor ng Sultan Sumangka (dating Talitay) sa Maguindanao.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Police Station 9, alas-10:02 nang gabi nang maganap ang pamamaril sa harapan ng Mannra Hotel sa Quirino Avenue kanto ng Leveriza St. sa Malate.

Galing umano sa Pasay ang alkalde na dumalo sa isang convention at kabababa pa lamang kasama ang misis nitong si Mohana Sabal, at bodyguard na si PCpl. Alwal Guimad, 41, ng Talitay Municipal Police Station, mula sa gray na Toyota Fortuner na may plakang MFN-566 nang mangyari ang krimen.

Habang nagbababa ng kanilang mga gamit mula sa behikulo at nakatakda sanang mag-check in ay nakarinig na lamang ng tatlong sunod-sunod na putok ng baril.

Dito na nakitang nakadapang nakahandusay sa main entrance ng hotel ang biktima. Hindi naman nasaktan sina Mohana at Guimad.

Suspek nahagip ng CCTV Sa CCTV footage ng hotel ay nakita ang nag-iisang gunman na nakapuwesto sa kabilang bahagi ng kalsada, lulan ng isang ‘di pa matukoy na uri ng behikulo at kaagad na tumakas matapos ang krimen.

Nakakuha naman ang mga awtoridad ng 5.56mm basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen, at naisumite na ito sa MPD Scene of the Crime Operatives para sa ballistic examination.

Kabilang ngayon sa anggulong tinitingnan ang iligal na droga o politika.
Magugunita na si Sabal ay kabilang sa ‘narcolist’ na isinapubliko ni Pangulong Duterte noong Marso 2019 at noong Set­yembre 2016 kung saan bise alkalde pa lamang siya.

Sangkot sa illegal drugs Una na rin siyang naaresto ng mga tauhan ng noon ay Anti-Illegal Drugs Group ng Philippine National Police habang papalabas sa Awang Airport sa bayan ng Datu Odin Sinsuat.

Noong Agosto 2019 naman nang sumuko si Sabal sa lokal na pulisya, kasama ang nakatatanda nitong kapatid na si dating Talitay Mayor Montasir Sabal, matapos na tukuyin ni Pangulong Duterte na umano’y mga narco-politicians, o mga politikong sangkot sa aktibidad ng iligal na droga.

Gayunman, itinanggi ng mga Sabal ang mga alegasyon ng Pangulo. (Juliet de Loza-Cudia)