Abante Tonite Interactive

Mahaba pa ang laban

299

Pinadala na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa US Embassy sa Maynila ang notice of termination sa Visiting Forces Agreement (VFA) nitong Martes. Ayon sa Malacañang, tumakbo na rin ang 180 araw na palugit para tuluyang mabuwag ang nasabing tratado.

May karapatan daw si Pangulong Duterte sa pagbuwag ng tratado, ayon sa mga opisyales ng gobyerno at mga mambabatas na kaalya­do ng administrasyon. Sabi naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, posibleng kuwestiyunin ito ng ilang senador sa Supreme Court. Ang Senado kasi ang nagratipika ng tra­tado noong Mayo 1999 at ito rin daw lamang ang maaaring lumusaw sa kasunduan.

Si Sotto rin ang nagsulong ng resolusyon para hikayatin ang Pa­ngulo na huwag i-terminate ang VFA habang nire-review ito ng Senado. Pero nawalan na ng saysay ang resolusyon matapos ipadala ang notice sa Amerika. Sa kabila ng posibilidad na magalit ang Pangulo sa kanya, ginawa pa rin ni Sotto ang nararapat gawin para maisalba ang tratado.

Kabilang naman sa nag-abstain sa reso­lusyon ay sina ­Senador Francis Tolentino, Pia Cayetano, Cynthia ­Villar, Bong Go at Bong Revilla. Inaasahan na ang aksyon ng mga senador na ito bilang kaalyado ng administrasyon.

Related Posts

Mahaba-haba pa ang 180 araw, halos anim na buwan pa ito. Marami pang puwedeng mangyari. Ang tiyak lang dito, siguradong liligawan nang husto ni US President Donald Trump si Pangulong Duterte para bawiin ang notice of termination. Malay nyo, magbigay ng malaking halaga ng tulong ang Amerika sa Pilipinas kapalit ng pagpapanatili ng VFA.

Kumbaga sa basketball, habang wala pang final buzzer puwede pang makahabol sa score at magwagi sa laban.

Pero kung hindi na ­talaga magbabago ang kapalaran ng VFA, handa naman daw ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na pangalagaan ang segu­ridad ng bansa. Tala­gang lang ha. Isa ako sa hindi aasa sa ­pangakong ito ng AFP.