Abante Tonite Interactive

Mahabang quarantine nakakaburyong

0 336

Mental torture at nakaka-depress! Iyan ang madalas mamutawi sa bibig ng mga natatanong kung ano ang nararamdaman nila sa mahabang quarantine sa loob ng bahay o sa isang facility dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019.

Hindi masyadong maramdaman sa isang pamilyang naka-quarantine ang pagkabagot dahil magkakasama sila at naroon ang katiyakan ng seguridad sa bawat isa, taliwas sa naka-quarantine na mag-isa lang at walang ibang kasama, sa bahay man o sa facility na inilaan ng gobyerno.

Sari-saring bagay ang naglalaro sa isipan at gusto mang maglabas ng saloobin habang naka-quarantine ay hindi rin magawa dahil walang kasama. Isipin na lamang kung paano maitatawid ang isang araw na walang kausap, walang kasama at tanging gadget lamang ang hawak sa buong araw.

Ipinanganak tayo at namulat hanggang sa paglaki na mayroong mga taong karamay at mahal sa buhay na nakapaligid sa atin, kaya’t malaking kaibahan ang bigla na lamang maranasan na nag-iisa habang nakikihamok sa krisis.

May mga kaibigan tayong solong namumuhay at nakakapanibago anila ang karanasan nila ngayong panahon ng quarantine dahil sa COVID-19 dahil hindi na magawa ang dating nakagawian pagkatapos ng trabaho.

Dahil home quarantine at work from home ang mga ito, dumarating ang pagkakataon na pati mga bagay na walang buhay ay kinakausap dahil sa pagkainip, tulad ng walis tambo habang naglilinis, gripo kapag nakarinig ng bahagyang tulo o patak o kaya naman ay gamit pang-exercise habang nagpapapawis. Aakalalin mong sinapian ng masamang espiritu pero epekto pala ito ng home quarantine.

Pero sa kaso ng maraming overseas Filipino worker (OFW) na ngayon ay naka-quarantine sa iba’t ibang hotel at barko sa Metro Manila, mental torture ang pananatili nila sa mga inilaang pasilidad sa kanila dahil ang tanging nasa isip ay makauwi na at makapiling ang pamilya.

Bawat araw ay binibilang ng mga OFW at kung maaari lang ay hilahin ang araw para matapos na ang kanilang quarantine dahil sa pananabik sa kanilang pamilya.

Pero ang 14-day requirement ay lumagpas pa ng ilang araw at hindi pa rin nakakauwi ang mga ito dahil sa mabagal na proseso at paglabas ng resulta ng kanilang swab test sa COVID.

Ito ang dahilan kaya may mga tumatakas na OFW sa kanilang quarantine facility dahil naiinip na sila at ang tanging hangad ay makauwi na sa kani-kanilang probinsiya.

Nito lamang Sabado ay inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na may nagpakamatay na OFW dahil sa matagal na pagka-quarantine na posibleng dahilan ng pagkabagot o depression.

Mayroon na ring mga OFW na nagkakaroon ng mental health problem kaya naman agad na umalalay ang team ng National Center for Mental Health (NCMH) para kausapin at i-asses ang kondisyon ng isipan ng mga ito.

Sa mga panahong ito, kailangan ang group support o family support sa mga miyembro ng pamilya na nasa malayong lugar o hindi kasama sa bahay. Iparamdam ang pagmamahal at concern tutal, sa pamamagitan ng teknolohiya ay isang pindot na lang at parang kasama niyo na sila.

Tonite – Wendys Inhouse Ad