Abante Tonite Interactive

Mahal na presyo ng kuryente nagbabadya sa probinsya

By
769

Ilang taon lang ang nakaraan, pumasok sa bansa ang mga Transport Network Company (TNC) tulad ng Grab at Uber. Naramdaman agad ng mga taxi operator ang karibal sa kanilang negosyo. Malaki kasi ang nawala sa kanilang kita simula nang tangkilikin ng marami ang app-based transport service.

Sa garahe ng mga kompanya ng taxi, halos kalahati ng mga unit ang walang pumapasada. Dati, hirap ang mga baguhang driver na makakuha ng unit na regular na ipapa­sada. Ngayon, 24/7 na sila maaaring pumasada pero maliit pa rin ang kinikita.

Marami kasi sa mga taxi driver ang lumipat ng ibang trabaho, habang ang iba ay naging driver na rin ng Grab at Uber dahil kahit paano ay sigurado ang kanilang kita. Sa labang ito, masasabi nating pinataob ng mga TNC ang operasyon ng taxi sa bansa.

Ngayon, ang 121 electric cooperative naman sa buong bansa ang na­nganganib na kainin ng kompetisyon. Nagsimula ito nang pahintulutan ng pamahalaan ang pribadong sektor na makilahok sa rural electrification program.

Dati, ayaw pasukin ng mga pribadong kompanya ang rural electrification dahil kaunti lang ang mga customer at kumokonsumo lang ng P100 hanggang P200 kada buwan, hindi katulad sa urban areas na isang building lang, milyong piso na ang makokolekta nila. Ngayon, gusto na nilang pasukin ito dahil marami nang electric consumer.

“Gusto nilang kunin kasi nandiyan na ang linya, nandiyan na ang consu­mer,” ayon kay Sergio C. Dagooc, general manager ng Siargao Island Electric Cooperative at Dinagat Island Electric Cooperative.

Babala ni Dagooc, oras na pasukin ng mga pribadong kompanya ang mga lugar na sineserbisyuhan ng electric cooperatives, lalong magtataas ang presyo ng kuryente. Sa ngayon kasi, ang presyo ng kuryente sa Siargao, P7.45 lang per kilowatt hour pero sa Senado sa Pasay City, nagbabayad sila ng P10 per kilowatt hour.

Naikuwento rin ni Dagooc na sa isang hearing sa Senado, harap-harapan niyang sinabi kay dating Sen. Sergio Osmeña III na mas mahal ang presyo ng kuryente sa private utilities tulad ng Meralco. Mas mura rin daw ang presyo ng kuryente sa Baguio City na isang highly urbanized

Suhestiyon ni Dagooc, umuupong president ng National Association of Gene­ral Managers of Electric Cooperatives, bakit hindi na lang pasukin ng mga pribadong kompanya ang mga lugar na hindi sineserbisyuhan ng electric coop.

Mas matindi pa nga ang naging suhestiyon ni Akmad D. Mamalinta, president ng Sultan Kudarat Electric Cooperative, Inc., sa mga pribadong kompanya na subukan nilang pasukin ang mga lugar sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). “Tingnan natin kung makakolekta sila sa mga consumer,” wika ng retiradong heneral.

Kung ganyan na magmamahal ang presyo ng kuryente kapag pinasok ng mga pribadong kompanya ang mga sineserbisyuhan ng electric cooperatives, aba’y parang presyong Maynila na rin ang presyo ng kuryente sa probinsya. Nakalulungkot naman.