Mahalaga ang bawat Butil ng bigas
Bihirang mawala sa bawat pamilyang Pinoy ang kanin sa hapag kainan lalo na sa handaan. Pangkaraniwan na itong nasa mesa sa almusal, tanghalian at hapunan – tatlong beses sa isang araw.
Mayaman ito sa bitamina at bawat tasa ng kanin ay may taglay na 3.25 mg ng Vitamin B1.
Sa kabila ng kakulangan natin minsan sa supply nito, ay lumabas noon sa isang pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na kada Pinoy ay nakapagtatapon ng tatlong kutsarang kanin kada araw. Katumbas ito ng mahigit tatlong kilo kada tao, kada taon.
Nasasayang ang mga ito dahil sa tirang mga kanin sa kanilang pinggan. Ang iba nama’y dahil sa naiiwang mumo sa kaldero na napapasama lamang sa basurahan o inaanod sa lababo.
Ang produksiyon ng bigas sa ating bansa ay mahalaga lalo na sa ating ekonomiya.
Marami tayong kapus-palad na kababayang nalilipasan ng gutom. Maraming nangangailangan ng kanin.
Maraming istorya sa likod ng bawat butil ng bigas.
Bawat butil ay katumbas ng patak ng pawis ng nakayukong magsasaka – mga magsasakang pinagmalupitan at tinuring lang na hampaslupa ng ilang mararangya. May pamilyang ibinenta ang yamang-bukid mapag-aral lang ang anak.
May bukiring isinanla at naremata. May mga nag-alsa dahil sa pagmamalupit ng may-ari ng hacienda. May mga naagawan ng lupa at nadaya sa partihan ng ani. May mga bukiring ngayon ay tinayuan na ng matatayog na condominium at gusali at marami ring buhay ang naibuwis.
Tandaan na ang bigas ang pinakamahalagang inaani at pangunahing pagkain ng bawat Pinoy. Ang kanin ay mahalaga – huwag mag-aksaya.