Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mahalaga ang reserbang goma

0 137

Aanhin ang awto na maporma kung wala namang reserba!

Kaya kayong mga nagbabalak lumatigo sa mga kalye sa nalalapit na pagluluwag ng quarantine levels bunga ng pagbaba ng bilang ng mga nadadale ng COVID-19, siguraduhing nakasalpak sa mga kalalagyan ang mga gomang reserba.

Ito ay para hindi kayo magaya kay Department of Labor Secretary Bebot Bello na inabot nang matinding perhuwisyo dahil sa kawalan ng reserba.

Kuwento ko lang sa inyo ang nangyari kay Secretary Bello nang siya ay umuwi minsan (mga humigit-kumulang tatlong linggo na ang nakakaraan) sa lalawigan ng Isabela by land sa ilalim ng umiiral na quarantine level.

Ayon na rin sa kuwento ng kalihim sa isang panayam sa kanya sa radyo ay gabi niya minarapat upang mas maalwan at mabilis ang biyahe.

Dahil kabisado na ang mga kalye, tantiyado na daw ng kalihim na bandang ala una ng madaling araw ay dapat na nasa San Jose, Nueva Ecija na siya o kaya ay nakalagpas na sa naturang lunsod.

Pero nang dumilat daw siya matapos umidlip at tingnan ang kanyang relo ay nagtaka siya kung bakit hindi San Jose City ang kanilang kinaroroonan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nang tanungin ang drayber, sinabi daw sa kanya na nasa bayan pa lang sila ng Aliaga at nang alamin niya kung bakit, ang sagot ay “naligaw po tayo eh.”

Hindi dito nagtapos ang perhuwisyo dahil maya-maya ay naramdaman nilang tumagtag ang takbo ng sasakyan at nang siyasatin ay na-flat ang isa sa mga gulong, yan ay sa kalaliman ng gabi sa loob ng isang payak na bayan at security protocols dahil sa COVID-19.

Kaya ang unang pumasok sa isip ay palitan ang naflat na gulong pero kamot sa batok na lamang daw ang sumunod na nagawa ni Secretary Bello dahil walang reserbang nakasalpak sa kabitan nito ang kanilang sasakyan.

Mabuti na lang at aktibo ang patrulya dahil sa protocols laban sa COVID-19 kaya hindi rin masyadong nagtagal at nadaanan sila at natulungan na masolusyun ang kanilang sunod-sunod na inabot na kamalasan.

Ang kuwentong ito ay magsilbi sanang paalala sa mga motorista na bago sila lumisan patungo sa malayong paglalakbay ay tiyakin na may nakakabit na reserba sa sasakyan at maayos ang kondisyon na gaya lamang ng parehong pressure ng hangin sa mga gulong na gumagana.

Aralin din ang basics ng pagtanggal ng reserba upang hindi na pumara ng ibang dumadaan para magtanong.

Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.