Abante Tonite Interactive

Mahihirap na naman ang biktima

624

Hindi maiiwasang mapansin na tila pawang mga maliliit at walang kalaban-labang tao ang pinupuntirya at binibiktima ng peace and order campaign ng administrasyong Duterte. Mapapatanong din tuloy kung mayroon pa bang natitirang pagpapahalaga at malasakit sa taumbayan ang kasalukuyang administrasyon.

Pagka-upo pa lamang ni Duterte, puro patayan na ang tumambad sa atin sa ilalim ng war on drugs. Habang pinapatay ang mga ma­liliit na tao ay siya na mang pag-abswelto sa mga druglord. Ngayon, mga maliliit at ordinar­yong mamamayan muli ang pinagdidiskitahan sa ginagawang panghuhuli ng Philippine National Police (PNP) ng mga tambay sa lansa­ngan.
Tila may pagtingin kaagad na ang paglalagi sa labas ay magdudulot ng krimen kaya bago pa man mangyari ay ipi­napaaresto na ang mga tambay. Ito ay malinaw na paglabag sa Republic Act 10158 at karapatang-pantao. Bukod dito, ang anti-tambay campaign ng PNP ay isa na namang anti-poor na polisiya ng administrasyong Duterte. Mga naninirahan sa mga mahihirap na lugar sa Metro Manila ang pinupuntriya ngayon at pinag-aaresto.

Napakaliit ng tingin ni Duterte sa mga mahihirap. Bukod sa pahirap na TRAIN Law, ang administrasyong Duterte ay nagsusulong pa ng mga polisiyang direkta ang banta sa buhay ng mga mahihirap nating kabababayan. Nakakalimutan yata ng Pangulo na kaya siya nakaupo sa kinalalagyan niya nga­yon ay dahil din sa mga mahihirap na bumoto sa kanya noong nakaraang eleksyon sa pag-asang mapapabuti at mababago nito ang kalaga­yan ng bansa. Ngunit imbes na tulungan sila ng gob­yerno ay ito pa mismo ang kumikitil sa kanilang buhay.

Ang lagi ko ngang ani, ang administrasyong Duterte ay malupit sa kababayan pero mabait at sunud-sunuran naman sa da­yuhan. Bukod sa tensyon sa West Philippine Sea, ang China din ang salarin ng problema natin sa droga. Nagmumula sa China ang karamihan sa supply ng droga sa ating bansa at Chinese national din ang nasa likod ng mga shabu laboratory. Ang laging tanong ng mga Filipino, bakit ang mga dayuhang ito ay hindi kinakanti sa giyera kontra iligal na droga gayung sila ang dahilan kung bakit nasisira ang buhay ng marami nating kababayan?

Makaraan ang halos dalawang taon, isa lamang ang napatuna­yan ng administrasyong Duterte – ang tapang at malasakit na ibinandera ni Duterte noong kampanya ay hindi para sa interes at kapakanan ng mga Filipino.