Abante Tonite Interactive

Mahirap mag-lobby sa dagdag budget sa pabahay

958

Nang mahirang akong chairman ng housing committee sa Kongreso noong 2016, maraming tanong na naglalaro sa isip ko.

Hindi pa kasi ganun kalawak ang nalalaman ko sa mga isyung may kinalaman sa pabahay nu’ng panahon na yun.

Tanda ko pa, pursigido ako na magbunga ng maganda ang mga pagsisikap namin sa komite para mabawasan ang backlog sa pabahay.

Ang tanong ko nga sa staff ko at sa Committee secretariat, paano ba natin magagawa ang mga sarili natin na kapaki-pakinabang sa problemang ito?

At bilang pagtugon sa aming mandato para gumawa ng mga batas, todo-sikap kami sa komite na itulak para maisabatas ang mga panukalang batas na lulutas sa problemang pabahay.

Sa suporta ng mga kasama nating mambabatas sa komite, nakapagpasa po tayo ng 15 panukalang batas bago matapos ang se­cond regular session at walo rito ay naka-akyat na sa Senado.

Pero sa kabila ng ating pagsisikap sa le­gislative side, hindi pa rin ako mapakali dahil sa hindi malutas-lutas na problema sa pabahay na lagi ng lumulutang sa mga diskusyon namin sa komite.

Sabi ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), umakyat na sa 5.5 million unit ang backlog natin sa pabahay at tataas pa raw ito ng hanggang anim na milyon sa susunod na taon.

Ang patuloy na pagdami ng mga informal settler families (ISFs) na umaabot na ngayon sa mahigit 600,000 sa Metro Manila pa lang ang isa sa mga dahilan ng backlog.

Related Posts

Ang tanong ko nga po, kung laging sinasabi ng gobyerno na inaasahan na nilang tataas pang lalo ang mga problemang ito, eh bakit hindi sila mag-isip ng mga progra­mang lulutas dito?

Mandato ng gobyerno natin na bigyan ng disenteng pabahay ang mga mamamayan nito pero ano ang nangyari at hindi na nakausad?

Unfunded mandate na lang ba ito na pinatunayan ng tumataas na backlog?

Sabi sa survey ng Family Income and Expenditure Survey, ang gastusin sa bahay ang ikalawang mataas na pinagkakagastusan ng isang pamilya dahil kinakain nito ang 26 percent sa kanilang kita.

Kung pagbabatayan naman ang average sa­lary sa NCR, hanggang P4,000 lang ang ka­yang ilaan ng isang karaniwang manggagawa para sa buwang bayad sa upa sa bahay. Ilang kababayan kaya natin ang kayang magbayad ng ganito? Mabigat ito para sa isang informal settler pero mas nakaalarma na kahit ang mga regular wage earner ay hindi na rin ito kinakaya.

Bakit po ba napakahirap na mag-lobby para sa dagdag na budget sa pabahay gayung napakarami ang makikinabang dito?

Pasado na po ang panukalang pagbuo ng Deparment of Socia­lized Housing and Urban Development.Pirma na lang po ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan para tuluyan itong maging batas.

Sa pamamagitan nito, masagot na sana ang maraming tanong, ang maraming problema ba lulutas sa usaping pabahay.

Abot kamay na po…ang pangarap namin na matupad ang inyong mga pangarap na magkaroon ng sariling bahay ay malapit ng matupad.

Tiwala lang po.