Abante Tonite Interactive

Mahumaling sa Jomalig

431

julius-segoviaNakapag-summer break ka na ba? Kung hindi pa, subukang pas­yalan ang isla ng Jomalig sa Quezon Province. Tiyak akong mahuhuma­ling kayo sa itinatagong ganda nito. Swak pa sa budget kumpara sa ibang travel destinations gaya ng Boracay, El Nido at Siargao.

Marahil hindi ito ang unang beses na nalaman ninyo ang tungkol sa isla. Na-feature na kasi ito sa internationally acclaimed at nangungunang maga­zine program sa buong bansa, ang Kapuso Mo, Jessica Soho at ilan pang programa
sa telebisyon.

Dahil naipalabas sa TV, dumagsa ang mga tu­rista. Marami ang naengganyong bumisita sa isla. Kaya biglang sumigla ang turismo sa Jomalig Island.
Ang hindi alam ng nakararami, apat na Communication Arts students mula sa Southville International School and Colleges sa Las Piñas City ang nasa likod nito.

Gumawa ng PR campaign ng isla ng Jomalig bilang bahagi ng kanilang thesis sina Karlo Patrick Culala, Hazel Loui De Guzman, Erika Mae Gene­ral at An Gabriele Gorgonia.

Hindi kasi gaanong kilala at pinapasyalan ang Jomalig Island. Ito ang nag-udyok sa apat na estudyante para isipan ng gimik ang isla.

Habang pinag-aaralan ang communication strategy para makilala at mapalakas ang turismo sa Jomalig, ang apat na estudyante muna ang humawak ng social media accounts ng lokal na pamahalaan. Kabilang sa kanilang minonitor at inay­os ang Facebook page ng isla.

Nag-post sila ng mga nakahuhumaling na lara­wan ng isla na sinama­han ng nakakaaliw na captions. Dito na raw sila nakatanggap ng FB chat mula sa KMJS at ilan pang programa.

Tingin ng apat na estudyante, na-curious ang marami sa magagandang litrato ng isla.

Mabuti na lang daw at cooperative ang tourism­ office ng Jomalig Island. Ipinagkatiwala rin sa kanila ang pagsagot sa mga komento sa FB page.

Nagpapasalamat din ang grupo sa kanilang thesis adviser na si Sir Mike Manansala.

Hindi mahalaga kina Karlo, Hazel, Erika at An ang anumang pagkilala. Para sa kanila, mas importanteng unti-unti nang nagiging tanyag ang islang minsan nang hindi pinansin ng mga turista. Ni sa hinagap, hindi raw nila naisip na ang thesis topic nila, malayo pala ang mararating. Ngayong­ masigla na ang turismo sa isla, buhay na buhay rin ang negosyo ng mga residente sa probinsiya. ‘Yun pa lang, mala­king achievement na para sa kanila.

Congrats sa inyong apat, talagang nakabibi­lib!