Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maid tinodas, tinapon sa Victoria Tower pool

0 207

Matapos na pahirapan at bugbugin ng umano’y mga kasamahan ay inihulog pa ang isang babaeng kasambahay sa swimming pool sa isang condominium sa Brgy. Paligsahan, Quezon City nitong Linggo ng madaling-araw.

Ang biktima ay nakilalang si Joan Sotayco, nasa hustong gulang, at stay-in housemaid sa Unit 17 CO1, 17th floor, Victoria Towers Condominium na matatagpuan sa Panay Avenue corner Timog Avenue, Brgy. Paligsahan.

Agad namang inaresto ang employer ng biktima na si Totel Parungao Lozada, 30, binata, account manager, maging ang 15-anyos na dalagitang helper nito na sinasabing kasabwat sa insidente sa condo.

Sa report ng CIDU-QCPD, alas-5:30 kamakalawa ng madaling-araw nang madiskubre ang nakalutang na bangkay ng kasambahay sa swimming pool sa 16th floor ng condominium.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Nido Gevero Jr., nakarinig umano ng isang malakas na tunog na tila bumagsak sa swimming pool ang security guard ng condo na si Julius Balanquit.

Agad niyang inimpormahan ang building maintenance na si Arnel Penafrancia at nang tunguhin nila ang pool ay nakita nila ang biktima na nakalutang at wala nang buhay kaya humingi sila ng saklolo sa OIC ng condo na si Francis Gargallo, at nag-report sa mga awtoridad.

Nang magsagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa Unit 17 CO1, 17th floor ng condo kung saan naninilbihan bilang kasambahay ang biktima ay tumangging makipag-kooperasyon ang amo niyang si Lozada.

Dahil dito ay siniyasat ng mga awtoridad ang cellphone ng mga suspek at doon ay nakita sa video na binubugbog si Sotayco habang nakatali ng masking tape ang magkabilang kamay.

Sa isang pang video ay nadiskubreng pinagtutulungang linisin ng mga suspek ang crime scene matapos na gupitin ang buhok ng biktima.

Nakapiit na ang mga suspek upang isailalim sa masusing imbestigasyon. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.