Abante Tonite Interactive

Mailap na hustisya sa pinaslang na padre de pamilya Part 3

187

Ang isa sa mga klasikong pangyayari na masasabing magbibigay ng matagalang pagdurusa, hindi lamang sa panig ng naging biktima ng karahasan at sa kanyang naulilang pamilya kundi maging sa akusado ay ang nangyaring pagpatay sa isang padre-de-pamilya na naganap sa bayan ng Sta Rosa malapit sa lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija, noong Nobyembre 13, 2002.

Hindi biro ang dinanas na pagdurusa ng pamilya ni Mario Magdato matapos matagpuan ang kanyang bangkay sa isang madamo at masukal na lugar sa bayan ng Sta Rosa, isang araw makaraang iulat ang kanyang pagkawala.

Sa kabilang banda, nagdusa rin ng matagal na panahon ang akusadong si Fabian Urzais na nadakip ng pulisya matapos ang puspusang pag-TUGIS na inilunsad ng pulisya makaraang matuklasan ang karumal-dumal na krimen.

Bago nangyari ang pagpatay, tahimik na namumuhay ang pamilya ng mag-asawang Mario at Shirley Magdato, sa kanilang hindi kalakihang bahay sa Barangay Dam­pol, Pulilan, Bulacan.

Binubuhay ni Mario ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pamamasada ng kanyang kulay forestgreen na Isuzu Highlander na may plakang UUT-838 mula sa terminal ng mga pampa­saherong sasakyan sa Pulilan Public Market hanggang sa terminal station ng Light Rail Transit (LRT) sa Monumento, Caloocan City.

Madaling araw pa lamang ay nakapila na si Mario sa paghihintay ng mga pasahero sa plaza ng pamilihang bayan sa lalawigan ng Pulilan kaya’t kadalasan ay nakakabalik na muli siya sa kanilang bahay bago magdapit-hapon.