Abante Tonite Interactive

Mailap na hustisya sa pinaslang na padre de pamilya

0 224

Nasanay na si Shirley na gumising ng mada­ling-araw upang ipag­handa ng makakain ang asawa bago bumiyahe at muli siyang matutulog kapag nakaalis na ang kanilang padre de pamilya.

Noong Nobyembre 12, 2002, araw ng Martes, maagang gumi­sing si Shirley upang ipag­handa ng makakain ang asawa bago magtungo sa terminal ng mga pampasaherong sasakyan na kanyang ginagawa sa araw-araw.

Dakong alas-kuwat­ro nang madaling-araw nang umalis ng kanilang bahay si Mario patungo sa terminal upang magsimula nang pumasada patu­ngong Caloocan habang muli namang bumalik sa higaan ang ginang upang bumawi ng tulog.

Bago pa man sumapit ang dapithapon, inihanda na ni Shirley ang ilulutong pagkain para sa kanilang hapunan lalo na’t batid na niya ang oras ng dating ng kanyang mister mula sa maghapong pamamasada.

Nais ng ginang na mainit pa ang daratnang pagkain ng asawa kaya’t hindi kaagad niya isinasalang ang ilulutong pagkain hangga’t hindi pa niya nauulinigan ang ugong ng makina ng kanilang sasakyan.

Nang hindi duma­ting si Mario sa oras ng kanyang pagbalik mula sa pamamasada, nagsimula nang maligalig si Shirley lalo na’t wala namang abiso man lang ang asawa na gagabihin o maaatraso ng pag-uwi.