Abante Tonite Interactive

Mailap na katarungan sa pagpatay sa gay dermatologist

Part 2

By
203

 Nang pumasok sa Our Lady of Fatima, College of Medicine sa Valenzuela City si Russel, kaagad siyang nagkaroon ng maraming kaibigan, kabilang na rito si Laser De Guzman na nagpatotoo sa kanyang angking talino.

 Ayon kay De Guzman, dahil sa ipinakikitang kakaibang kahusayan at kasipagan sa pag-aaral, binansagan si Russel ng kanyang mga kamag-aral bilang “Anatomy Wizard” dahil halos nakabisa niya ang ukol sa istraktura o kayarian ng katawan ng isang indibiduwal.

 Bukod dito, napabilang din si Russel sa Dean’s Lister o talaan ng mga estudyante na tumatanggap ng espesyal na pagkilala mula sa Dean ng College of Medicine dahil sa angking talino.

 Nang magsimulang lumahok sa mga gay beauty contest, ginamit ni Russel ang pangalang Nathalia Anne Gonzales kaya’t mula noon ay tinatawag siya ng kanyang mga kaibigan sa palayaw ng Anne.

 Dahil sa angking talino at kagandahan, palaging napapabilang si Russel o Anne, sa mundo ng mga homosexual, sa mga finalist na karamihan ay kanyang pinagwawagian.

 Hindi matatawaran ang bilang ng kanyang mga pinagwagiang gay beauty contest sa kabila ng pagpupunyagi niyang maging isang ganap ng doktor, tulad ng pangarap niya pati na ng kagustuhan ng kanyang mga magulang.

 Hindi naman nabigo si Anne na makamit ang minimithing pangarap dahil makaraang makapagtapos ng kanyang pag-aaral, nakamit niya ang kanyang medical degree hanggang tuluyang maging isang Dermatologist na sumusuri sa sakit sa balat ng isang tao at sa iba pang kaugnay nito tulad ng buhok at kuko.

 Habang lumalaon, lalung nagiging kaakit-akit ang kaanyuan at hubog ng katawan ni Anne kaya’t hindi naging mailap sa kanya ang pagkakaroon ng mga kaibigang lalaki na karamihan ay nagtatangkang manligaw sa kanya.

 Maging ang kanyang kapatid na si Chevalier ay aminadong may angking kagandahan at talino ang kapatid kaya’t halos lahat ng nilahukang gay beauty contest ay nakakapag-uwi siya ng tropeo.

 Hindi rin naging hadlang kay Anne ang pagkakaroon ng klinika bilang isang Dermatologist sa Slimmer’s World upang itigil ang paglahok niya sa mga beauty contest dahil bukod sa pangarap na maging isang doktor, kinahumalingan din niya ang maging isang beauty titlist.

 Kaya’t kahit sa edad na 30, patuloy pa rin ang tagumpay ni Anne sa mga sinasalihang beauty contest habang pumapaimbulog ang kanyang pangalan bilang isang magaling na dermatologist.

 Dahil na rin sa dami ng kanyang mga manliligaw, hindi naman naalis sa puso ni Anne na magkaroon ng pagtatangi sa isa sa kanyang maraming manliligaw at isa na rito ang 28-anyos na si John Patrick Torres.

 Sa panahon ng panliligaw ni John Patrick kay Anne, ipinamalas ng lalaki ang seryoso at tapat niyang pagmamahal sa dermatologist kaya’t kalaunan ay nasungkit niya ang matamis na oo ng itinatanging transgender.