Abante Tonite Interactive

Mailap na katarungan sa pagpatay sa gay dermatologist

By
0 175

Labis namang ikinaga­lak ni John Patrick ang pagtanggap sa idinulog niyang wagas na pag-ibig kay Anne lalo na’t sa dami ng mga manliligaw ng dermatologist ay siya pa ang napusuan kahit batid nito na wala naman siyang pirmihang trabaho.

Ang mga unang araw bilang magkasintahan nina John Patrick at Anne ay na­ging maka­buluhan at makulay lalo na’t naging magiliw at maalalahanin ang lalaki na labis namang ikinagalak ng dermatologist.

Naging saksi ang malapit na kaibigan ni Anne na si Laser sa pag-iibigan ng dalawa  kaya’t hindi na rin lingid dito kung may ilang pagkakataon na nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan o pagkaka-intindihan ang dalawa.

Ang tinutuluyang bahay ni Anne sa Batay St., Brgy. Kaunlaran sa Quezon City ang naging piping saksi sa wagas na pagmamahalan nina Anne at John Patrick at maging ang ilan nilang kapitbahay ay nasasaksihan kung gaano katamis ang relasyon nila sa isa’t-isa.

May ilan din silang kapitbahay na nakakabatid na kapag umaalis ang dermatologist para dalawin ang kanyang mga kaanak sa kanilang lalawigan sa Ilocos Norte, tanging si John Patrick ang naiiwang mag-isa sa kanyang tinutuluyang apartment.

Kabisado na rin ng kanilang mga kapitbahay ang ugali ni Anne na maagang pagpapatay ng ilaw para matulog kaya’t noong Enero 11, 2013 araw na nang Biyernes, nagtaka ang ilan niyang kapitbahay kung bakit bukas pa ang ilaw sa apartment ng dermatologist gayung pasado alas-12:00 na nang hatinggabi.

Isa sa mga kapitbahay ni Anne ang hindi nakatiis na usisain kung bakit iniwanan ng dermatologist na bukas ang ilaw ng kanyang tinutuluyang apartment kaya’t lakas-loob na sumilip sa siwang ng nakabukas pang bintana ng apartment.

Dito na nasindak ang kapitbahay ni Anne nang makita ang dermatologist na wala ng buhay na nakadapa at naliligo na sa sariling dugo.

Kaagad na ipinabatid ng kapitbahay ni Anne sa kanilang barangay ang nakitang duguang bangkay ng biktima kaya’t ipinagbigay-alam kaagad ng mga opisyal ng barangay ang pangyayari sa pulisya.

Hindi naman nagtagal ay dumating na ang mga kagawad ng Homicide Section ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) sa pangu­nguna ni Insp. Elmer Monsalve.

Kaagad na kinordon ng pulisya ang apartment ni Anne upang hindi makapasok ang sinumang wala namang kinalaman o hindi kaanak ng biktima para na rin hindi magalaw at ma-preserba ang mga ebidensiya na makakatulong sa imbestigasyon.

Nang silipin ni Insp. Monsalve ang nakahan­dusay na duguang bangkay ni Anne, kalahati ng katawan ng biktima ay nakapasok sa pinto ng kanyang silid-tulugan kaya’t posibleng nagkaroon muna ng panlalaban bago siya tuluyang mapaslang.