Abante Tonite Interactive

Mailap na katarungan sa pagpatay sa gay dermatologist

Part 1

By
249

KUNG ang sinasabi ng Bibliya ang pagbabatayan hinggil sa wastong pakikipag-relasyon o pag-aasawa, sinasabi rito na tanging sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babae dapat itong mangyari na ang pangunahing layunin ay magtayo o magkaroon ng maayos na pamilya.

 Sa paniniwala ng mga Kristiyano, hindi katanggap-tanggap na magkaroon ng relasyon ang isang lalaki sa kapuwa lalaki o babae sa kapuwa babae lalu na’t kinokondena ito ng Bibliya bilang imorat at hindi normal na kasalanan.

 Maraming mga opisyal at miyembro ng religious group partikular sa mga Kristiyano ang naniniwala na idinesenyo ng Diyos ang lalaki upang maging akma sa pakikipagtalik sa isang babae na ang layunin ay ang pagpaparami ng lahi.

 Gayunman, sa pag-usad ng panahon, nabubuksan ang isipan ng marami, maging ang mga Kristiyano, sa katotohanan na ang pagkakaroon ng relasyon sa kaparehong kasarian ay karapatan ng bawa’t isa, maging lalaki man o babae.

 Marami na ang nagsusulong na gawing normal at legal ang pag-aasawa ng may parehong kasarian at bigyan sila ng pantay na karapatan na tulad ng pagkakaroon ng relasyon o pag-aasawa ng isang lalaki at babae.

 Sa makabago at modernong pamamaraan ng cosmetic surgery, nagagawa ng maging parang isang tunay na babae ang isang lalaki at ganito rin ang nagagawa sa isang babae na nagnanais na maging lalaki.

 Hindi na rin itinuturing na abnormal na pangyayari kung ang isang babae ay umibig sa kapuwa niya babae o ang lalaki sa isa ring kaparehong kasarian lalu na’t kung ang panglabas na kaanyuan ang pagbabatayan.

 Sa kaso ng pinaslang na dermatologist ng Slimmer’s World na si Russel Fritz Saliganan na naganap noong Enero 11 2013, hindi malayong naging mitsa ng kanyang buhay ang pagkakaroon niya ng kaakit-akit na kaanyuan at magandang hubog ng katawan.

 Bata pa lamang si Russel Fritz ay kinakitaan na siya ng pagkahumaling sa mga laruang pambabae kaya’t hindi na nalingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang at kapatid na posibleng lumaki siya na may pusong babae.

 Bagama’t maaga siyang kinakitaan ng kilos-babae, hindi naman siya dumanas ng diskriminasyon noon pa mang nag-aaral siya sa kanilang lalawigan sa Ilocos Norte dahil bukod sa pagiging ismarte ay kinakitaan na rin siya ng angking talino na naging armas niya upang igalang at irespeto ng kapuwa niya kalalakihan.

 Tinanggap na rin ng maaga pa man ng kanyang mga magulang at kapatid ang pagiging bakla ni Russel Fritz lalu na’t maayos naman niyang nagagampanan ang pagiging mabuting anak at kapatid, bukod sa pagpapamalas ng kahusayan at katalinuhan sap ag-aaral.

 Noon pa man ay pangarap na ni Russel Fritz ang maging isang mahusay na doctor at dahil may angking talino, sinuportahan siya ng kanyang mga magulang sa pag-aaral upang matupad ang minimithing pangarap.