Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Mailap na pagkakaisa

0 63

Pagkakaisa ang naging bukambibig ng ilan sa oposisyon nitong nakaraang mga buwan bago sumapit ang unang linggo ng Oktubre, panahon ng filing ng kandidatura ng mga tatakbo bilang presidente, bise-presidente, at senador sa pambansang halalan sa Mayo 2022.

Pagkakaisa sa anyo ng pagsuporta sa nag-iisang kandidato para sa pagkapangulo, na may isang slate ng bise-presidente at mga senador, ang layunin sa likod ng pagbuo ng 1Sambayan, ang koalisyon ng mga indibidwal at grupo mula sa magkakaibang paninindigang pampulitika, katulad ng mga “Dilaw,” Magdalo, at “Pula.” (Paglahad: kabilang ako sa mga convenor ng 1Sambayan.) Pagkakaisa rin ang hangad umano ni Vice-President Leni Robredo sa mahigit-kumulang dalawang buwan niyang pagpupunyaging pulungin at kausapin ang mga potensyal na kandidatong pangulo na lalaban sa kandidato ng administrasyong Duterte. Kabilang sa kanyang mga nilapitan sina Sen. Ping Lacson, Manila Mayor Isko Moreno, at Sen. Manny Pacquiao. NAgtutulak sa ganitong mga pagsisikap ang paniniwala na kailangang mabuo ang pagkakaisa ng oposisyon upang matiyak ang tagumpay nito laban sa kandidato ng administrasyon sa darating na halalan.

Kaya itinuring ng marami na bigo ang ganitong hangarin nang isa-isang naghain sa COMELEC ng kanilang kandidatura bilang pangulo sina Pacquiao, Moreno, Lacson, at – matapos ang ilang buwan ng pagmumuni-muni – si Robredo. Kung mananatili ang naturang hanayan, malaki ang posibilidad na magkawatak-watak ang boto ng oposisyon at muling magwagi ang kandidato ng administrasyon.

SM food to go Banner Ad

Gayunman, kung ano ang kay Pepe, siya rin ang kay Pilar. Kailangan ding bunoin ng naghaharing koalisyon ni Duterte ang suliranin ng pagkakaisa upang matiyak ang tagumpay sa 2022 at makapanatili sa poder ang mga Duterte. Mataginting na kapalpakan din ang sinapit ng mga puwersa ng administrasyong Duterte kung susukatin sa ganitong pamantayan. Sa halip nang pagsemento sa alyansang Duterte at Marcos sa anyo ng tambalang Sara-Bongbong para sa 2022, nalantad sa publiko ang pagkakawatak-watak ng mga magkaribal na paksyon ng naghaharing koalisyon ni Duterte. Tila si Pang. Duterte mismo ang nagwasak ng potensyal na alyansa sa mga Marcos nang ideklara niya ang sarili bilang kandidatong bise-presidente. Dahil dito, naghain ng kandidatura bilang pangulo si Bongbong Marcos; hindi umano tatakbo bilang pangulo si Sara Duterte. Si Sen. Bato dela Rosa ang last-minute na pambatong pangulo ng PDP-Laban, ang partido ni Pang. Duterte, samantalang umatras siya bilang kandidatong bise-presidente at si Sen. Bong Go ang ginawang kapalit. Samantala, nagpatakbo ng dalawang kung sino bilang presidente at bise-presidente ang partidong Lakas-CMD ni Gloria Arroyo, na aminadong mga panakip-butas para sa posibleng substitution ni Sara ang kanilang mga kandidato. Naghain bilang kandidatong pangulo maging ang dating spokesperson ni Pang. Duterte, si Ernesto Abella.

Batid nang lahat na marami pang galawan sa hanay ng administrasyon at oposisyon mula ngayon hanggang Nobyembre 15, huling araw ng substitusyon para sa mga kandidato. Ang hamon para sa mga progresibo at makabayan: paano maisusulong ang kapakanan ng nakaraming Pilipino, na inaapi at pinagsasamantalahan, sa gitna ng tumitinding bangayan at pagmamaniobra ng mga politiko?

Leave A Reply

Your email address will not be published.