Abante Tonite Interactive

Mainam na paraan

By
14

Dear Kuya Rom,

Tuwing magbabagong taon, dumadalo kami sa reunion ng pamilya ng mister ko. Ang ate niyang panganay nila na sister-in-law ko ang nag-oorganisa. Dinaraos ito sa bahay niya.

May mga games at lahat ng miyembro ng pamilya, bata o matanda ay kailangang kasali.

Abante Hiring – IT dep

Pero hindi niya isinasali ako at ang aking anak.

Nagtatanong sa akin ang anak ko kung bakit hindi kami kasali. Ang sabi ko, huwag niyang itanong kung bakit sapagkat hindi ko alam ang kasagutan, desisyon ito ng may-ari ng bahay at bisita lang kami.

Parang naiitsapuwera kami at nasasaktan ang damdamin ng anak ko. Kaso, hindi ito nakikita ng mister ko. Ayaw na ng anak kong sumama sa family gathering ng daddy niya. Gumagawa siya ng dahilan, tulad ng pagbabakasyon sa probinsiya, sa bahay ng mga magulang ko.

Umiiwas akong mag-away kami ng mister ko tungkol dito. Kaya hindi ko binubuksan ang isyu sa kanya. Ang totoo, nasasaktan din ako, sapagkat parang ka­tulong ang turing sa akin ng ate ng asawa ko. Tuwing araw ng reunion nila, ako ang naghuhugas ng mga pinagkainang pinggan, kutsara at tinidor.

Hindi ko na lang pinapansin ito. Wala naman akong magagawa, kasi kahit anong sabihin ko, parang walang naririnig ang mister ko.

Sabi niya, talagang iba-iba ang ugali ng mga tao at kasama sa buhay ang makitungo sa kanila. Ano ang mainam na paraan para hindi masira ang relasyon ko sa pamilya ng mister ko? — Dina

Dear Dina,

Maganda ang hangarin mo, ang maghanap ng mas epektibong paraan upang manatiling maayos ang relasyon mo sa iba, kaysa talikuran mo na lamang sila.

Ang mabuting gawin mo ay patawarin ang sister-in-law mo sa lahat ng nakikita mong kasalanan niya sa iyo. Patawarin mo rin ang iyong mister sa kanyang kawalan ng suporta sa iyo at sa hindi niya paggawa ng hakbang para mabago ang pakikitungo ng ate niya sa iyo.

Ipagpatuloy mong isabuhay ang kagandahang-asal at tibay ng loob. Makikita ito ng iyong anak. Nawa’y magaya niya ang ugali mo sapagkat magandang pamana mo ito sa kanya.

Kaya sa susunod na family reunion ng asawa mo, isama mo ang iyong anak, upang matutunan niya ang tamang pakikitungo sa iba’t ibang tao.

Tungkol sa paghuhugas ng pinagkainan, sabihin mo sa mister mo na bumili na lang kayo ng mga paper plates at plastic spoons and forks, upang wala ka nang iintindihin pa.

Tungkol naman sa mga games na pinangungunahan ng sister-in-law mo at sa hindi niya pagsali sa inyong mag-ina, manood na lamang kayo. Ituring ninyo itong magandang palabas na lilikha ng ngiti at tawa sa inyong mga puso.

Ituro mo sa anak mo ang prinsipyong ito: Hindi sa lahat ng oras na mapipili mo ang sitwasyon, pero mapipili mo ang iyong reaksiyon. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom