Abante Tonite Interactive

Mainar binitbit ang Hercor sa titulo ng SBP Passerelle

210

Sa unang pagkakataon, isang champion mula sa Roxas City ang nagwagi sa Passerelle division championship ng Visayas Regional Finals para sa 34th Small Basketeers Philippines Passerelle Twin Tournament na prisintado ng Milo at mga suportado ng Rain or Shine, Chris Sports at SKLZ.

Pinulbos ng Hercor College ang Sacred Heart School-Ateneo de Cebu, 88-68, sa likod ng 19 points ni Joshua Mainar sa Pototan Astrodome, Pototan, Iloilo at makakaabante sa national finals sa Roxas sa Nobyembre 23-24.

Lumamang sa 24-12 sa opening quarter ang HC kung saan nanalasa si Mainar ng 13 markers. Pero humabol at nakabentahe ang Cebu champions sa ikalawang yugto 39-35 sa pamumuno ni Michael Asoro Jr. na may 17 pts. pa-halftime.

Bumalik sa manibela ang Hercor sa third stanza, 59-55, at nasa laban pa sa last period quarter ang SHS-ADC sa 65-62 saka rumagasa si Kent Gaitan hanggang sa 1:47 at idistansiya ang Hercor sa 81-66.

Nakaagapay ni Mainar sa winning squad na ginawaran din ng ­Sportsmanship Awards sa torneo sina John Lloyd Ubas na may 15 pts. at Eden Aldaba na naka-12.

Sina Asoro at Jared Bahay ang mga nag-1-2 sa opensiba ng SHS-Ateneo sa 23 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod. (JAT)