Abante Tonite Interactive

Maine napag-iiwanan ni Alden

0 764

(CUATROS kolum)

ROMMEL PLACENTE: Napatunayan ni Alden Richards na kaya niya nang kumawala sa love team nila ni Maine Mendoza na kahit ipareha siya sa iba ay tatangkilikin pa rin siya. Sa latest movie nga niya titled “Hello, Love, Goodbye” ay hindi si Maine ang kapareha niya rito kundi si Kathryn Bernardo. Alam naman natin na blockbuster ang pelikula na ito.

Maituturing ito ngayong highest grossing Filipino film of all time. Inaabangan naman ngayon ang pelikulang gagawin ni Maine with Carlo Aquino. Maabutan raw kaya nito ang kinita ng HLG o kahit kalahati man lang daw ng kinita nito?

Tangkilikin din daw kaya si Maine ng publiko lalo na ng kanilang fans na iba ang kapareha nito? Sa pagtabo sa takilya ng HLG, nasasabi tuloy ng iba na napag-iiwanan na ni Alden si Maine. Pero ‘yun nga, aabangan pa rin ang magiging resulta sa takilya ng movie ng dalaga with Carlo.

Samantala, sa ngayon ay nasa Japan si Maine kasama ang ‘boyfriend’ na si Arjo Atayde at ang reel and real life love team na sina Daniel at Kath ay nandu’n din para magbakasyon. Mukhang paboritong puntahan ngayon ng lovers ang nasabing bansa, huh! At ano naman kaya ang magiging reaksyon ng AlDub nation kapag nalaman nilang nasa Japan si Maine with Arjo?

MILDRED BACUD: Ibig sabihin lang mga ka-Cuatros, buwag na rin ang JaDine love team dahil sa pagkawala ni James Reid sa Viva. Kaya naman pala sinubukang ipareha sa iba ang aktres, kaso waley. Iba pa rin ang JaDine. Sayang, isa sila sa mga love team na malawak ang fanbase tulad ng KathNiel at LizQuen. May source nga na nagkuwento sa amin, sey raw ng kampo ni James kay Nadine, kung gusto pa nito maisalba ang love team nila ay umalis siya sa Viva. May ganu’n? Kaya malungkot ang mga fan.

Kung sabagay, hindi lang naman ang JaDine sa mga love team na pinanghinayangan, nauna na ang AlDub, McLisse tapos ang JoshLia. Eh ganu’n talaga sa showbiz, walang permanente. Nakaka-move on naman ang lahat at nagkakanya-kanya ng career. Ang aabangan natin diyan ay kung susunod si Nadine kay James. Sa pagbabakasyon nila sa ibang bansa, makapag-usap kaya sila nang masinsinan kung ano ang gagawin nila sa kanilang mga karera. Si Nadine, pagbalik ng Pilipinas ay may sure nang show; si James, after “Idol PH” ay paano na kaya? Babalik ba siya sa dating network? Sa bagay, sa Kapamilya naman siya nagsimula bilang big winner sa “Pinoy Big Brother (Teen Edition)”.

RODEL FERNANDO: Totoo ba na kaya aalis ng Viva si James ay may isyu sa pera? Ito ay tsismis lamang pero sa anupamang kadahilanan ay siguradong malalim ang rason sa pagtalikod ni James sa namamahala ng kanyang karera.

Maaari ring hindi na siya masaya sa poder ng malaking kompanya kaya nagdesisyon na siya. Pero sana, pag-isipan niyang mabuti ang kanyang paglilipatan. Dapat siguro ay bumalik siya sa Star Magic na unang nag-handle ng kanyang career. Huwag sanang kung kanino lang siya mapunta, baka maligwak ang maganda na niyang kinalalagyan sa Philippine showbiz.

Kung nakakaranas man ngayon si James na hindi masyadong successful ang kanyang mga proyekto ay sigurado namang makakabawi siya. Marami na siyang followers na naghihintay lang ng magandang proyekto na kanyang gagawin. Huwag lang siyang itambal muli kay Nadine at siguradong hindi na naman ito susuportahan ng mga tao, ke pelikula man o TV show.

RONA AVECILLA: Ngayong record-breaking na rin si Alden, mabigat na pressure ito sa susunod na makakatambal niya sa pelikula. Hindi pa naman kasi tiyak kung magkakasama silang muli ni Kathryn.

Imagine, na-reach ng pelikula nila ang record-breaking success ng KathNiel. Siyempre, kapwa nagbigay ng suporta ang malalaking fan base ng dalawang bida.

Pero siyempre, malaki pa rin ang pasasalamat sa AlDub fanatics at sa KathNiel, lalo na at nagbigay rin ng suporta si Maine sa dating katambal. Ganu’n din naman ang suporta at effort na ibinuhos ni Daniel para sa dyowa.

Bukod naman kasi sa mga fan, higit na nagdala sa pelikula ay ang husay at versatility ni Alden sa pag-arte. Lalong lumalabas ang galing niya kapag ipinapares siya sa mga magagaling na artista kagaya na lang ni Kathryn.