Abante Tonite Interactive

Maine sampung taon nakatali kay Vic

1,850

NI:VINIA VIVAR

HInaharangan nga ba ni Vic Sotto si Maine Mendoza na lumabas sa ibang produksyon na gustong kumuha rito para sa Metro Manila Film Festival movie? May lifetime contract ba silang dalawa na sa produksyon lang niya lalabas ang dalaga?

Ito ang natanong sa presscon ng MMFF 2019 movie na Mission Unstapabol nina Maine and Bossing Vic dahil pangatlong MMFF movie na rin kasi nila ito since 2015.

Pagbibiro ni Maine, “kasi may kontrata po talaga kami – 10-year contract.”

Of course, aniya ay masaya raw siya na lagi raw siyang kinukuha ni Bossing.

“Syempre, masaya. Kasi lagi pa rin akong pinipili, lagi ko siyang nakakasama. Ako naman, thankful naman ako sa lahat ng projects na ibinibigay sa akin and everytime na may opportunity to work with him outside sa “Bulaga” . Ayun very thankful ako na ako pa rin,” sey ni Maine.

Kung sakali bang may dumating na offer sa kanya para sa ibang filmfest movie, si Bossing pa rin ang pipiliin niya?

“Siyempre, ano ka ba, solid Bossing tayo, eh. Solid Bossing, solid Dabarkads,” diretsong sabi ni Maine na of course ay ikinatuwa naman ni Vic.

Sa Mission Unstopabol: The Don Identity ay kakaibang Maine Mendoza raw naman ang mapapanood at happy naman ang dalaga na nabibigyan siya ng chance na gumanap ng iba’t ibang roles at sana raw ay magtuloy-tuloy ang mga ganitong oportunidad.

“Sana, ‘yung mga hindi ko pa nagagawa before and ‘yung hindi ine-expect ng tao sa akin. Siguro, more on edgy roles in the future. ‘Yung tipong super matsa-challenge din ako. Siguro, konting comedy lang muna, kasi nasanay na ang mga tao na everyday, nakikita ‘yun sa show namin. Sana, ‘yung mga hindi ko pa nagagawa,” she said.

Pero ani Maine, kahit maraming beses na silang nagkatrabaho ni Bossing Vic, talagang hindi pa rin nawawala ang pagka-starstruck niya rito.
“Saka, sobrang hanggang ngayon, nai-intimidate pa rin ako.Hindi ko pa rin siya mabati nang kaswal. Kasi, feeling ko, kasi. . .Vic Sotto ‘yun. Pero sobrang bait naman po niya sa akin,” ani Maine.

Wish kina Alden, Dabarkads

Ngayong Kapaskuhan ay natanong si Maine ng wish list para sa mga taong malalapit sa kanya at siyempre, kasama na rito ang Dabarkads family niya .

VIC SOTTO: Kay Bossing, sana, humaba pa ang buhay ni Bossing. And sana, magkaanak pa sila ni Poleng (Pauline Luna, Bossing’s wife).

JOSE MANALO: Kay Kuya Jose, nakikita kong masaya siya sa lahat ng aspeto ng buhay niya, so sana, he remains happy.

WALLY BAYOLA: Sana, maging peaceful ang buhay niya, and sana, kung anuman ‘yung mga inaaalala niya, mawala na.

PAOLO BALLESTEROS: Kay Kuya Pao, love life. Love life talaga kay Kuya Pao. Bonggang bonggang love life. Kasi deserved niya ‘yun. Grabe ring magmahal ‘yun, eh.

RUBY RODRIGUEZ: Sana, more food (sabay-tawa). Kay Ate Ruby, sana lagi rin siyang safe and happy.

ALDEN RICHARDS: Kay Alden, sana, lagi rin siyang masaya.
PIA GUANIO: Sana, may bago pang baby.

FOR MYSELF: Sana, laging happy.

Hiwalay muna ang AlDub

Matagal na rin namang inaabangan ng kanilang AlDub fans ang muli nilang pagsasama sa isang proyekto kaya naman isa rin sa naitanong sa Phenomenal Star kung may chance pa ba na mapanood sila together sa isang project.

Ayon kay Maine ay very much willing siya of course na gumawa ng project with Alden.

“’Antayin lang natin ‘yung tamang panahon and tamang materyal.”
So far ba, wala pa?

“So far, wala pa po. Kasi marami rin yatang naka-line-up sa kanya rin and sa ‘kin din. So, siguro, separate ways muna kasi chance rin ‘yun for us to grow and maraming makilala, maraming ma-experience.”

And since close pa rin naman sila ni Alden, naikukuwento rin ba niya sa aktor ang boyfriend niyang si Arjo Atayde?

“Well, hindi kasi kami masyadong nagkikita ni Alden ngayon kasi sobrang bihira niyang mag-Bulaga dahil na rin sa ginagawa niyang serye. Hindi pa kami nagkakaroon ng chance na magtsika-tsika.

“Pero pag may pagkakataon naman, nag-uusap naman kami about our personal lives.”

Pareho silang endorser ng Mc Donald’s ni Alden at pareho rin silang may franchise ng nasabing fast food. Si Maine ay may apat na palang branches.
Nagco-compare ba sila ni Alden ng mga franchise?

“Ay, hindi naman po. Siyempre, kaligayan namin ang success ng isa’t isa,” she said.

Arjo bet magbida si Maine sa ginagawang istorya

Kamakailan ay naging kontrobersyal ang dinner nila ng buong pamilya ni Arjo. Ipinost ito ni Sylvia Sanchez sa kanyang social media account at nabash-bash ang aktres ng mga fan ni Maine .Pinagbintangang in-edit lang ang larawan para magmukhang andu’n si Maine.

Inamin ng aktres na siya ang nag-invite talaga sa pamilya ni Arjo na mag-dinner.

“Napag-usapan lang po before, kasi, hindi na po nasundan ‘yung na-meet ko ‘yun parents (ni Arjo) sa bahay nila, and nasakto pa ‘yung 2 movies and nagse-segue ako.

“So, parang sinabi ko lang kay Arjo na “ito na, may free time na, dinner na tayo,” kuwento ni Maine.

Hindi lang ang aktres ang close sa family ni Arjo kungdi vice versa dahil close rin pala ng aktor ang mga kapatid ng GF.

“Opo, sobra. Mas close pa nga sila ng kapatid ko kaysa sa akin,” sey pa ni Maine.

May posibilidad din bang gumawa sila ng project ni Arjo?

“Sana po. Kasi, meron din siyang sinusulat na story for the two of us. Nagpo-produce na rin naman siya, so. . .”

Nabanggit nga ni Arjo minsan na gusto niyang si Maine ang magbida sa ginagawa nitong story ngayon.

Masuwerte ang lovelife ng 2019

Masaya ang taong 2019 para kay Maine dahil sa rami ng magagandang nangyari sa kanya.

“Masaya ang taong ito. Isa siguro sa mga best years of my life,” aniya.
Especially sa love life?

“Isama na natin ‘yun,” nakangiti niyang wika.
Marami raw proyektong pumasok this year, marami ring endorsements at marami ring experience na na-gain.
“Maraming na-experience, maraming natutunan, so sana for next year, ganu’n ulit. Sana, mas colorful, mas maraming pagkakataon,” she said.

Sasabak sa 8 hours parade ng MMFF

Sinasabing ang darating na Metro Manila Film Festival Parade na gaganapin sa Dec. 22 ang pinakamahabang parade sa kasaysayan ng MMFF. Aabot daw sa 15.2 kilometers ngayon ang tatakbuhin ng parade at pwede raw tumagal ng 7-8 hours.

So, ready ba si Maine sa ganun’g kahabang parade? May change of wardrobe bang magaganap?

“Ay grabe ‘yung change of wardrobe,” natatawa niyang sabi. “Change of towel. Dahil mainit.”

Okay lang naman daw sa kanya kahit mahaba pa dahil isang beses lang naman daw sa isang taon ang MMFF parade.

“Sana lang, wag umulan. Kasi, last year, umulan, eh. Medyo mahirap, kasi nabalahaw ‘yung mga floats, sayang, kasi pinaghirapan din po ‘yun.

“Sana ngayon, maganda ‘yung weather, sana maraming lumabas,” she said.