Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maine sikat na lang sa Twitter

0 1,449

Sa Twitter na nga lang ba sikat ang Philippine Sweetheart Maine Mendoza? Parang ganun na nga kung mananalig tayo sa pagiging palagiang trending topic nitong minamahal ni Arjo Atayde.

Ilang oras namayagpag sa nasabing social media site ang #MaineMendoza pati na rin ang MAINE Too Busy Too Blessed kaya ganun na lang ang pagbubunyi ng mga tagahanga at sumusuporta sa dalaga.

Ano nga ba ang pinagkakaabalahan ni Nicomaine maliban sa pagiging one of the watchable decors sa “Eat Bulaga?” Ma-take niyo may now streaming awit pala siya na ang pamagat ay “Lost With You.” Parang sila-sila lang sa Twitter ang may alam na may anthem pala si Mendoza kaya hayaan na lang natin na sila na lang ang makaalam nito. Pag ito eh mapapakinggan ko na sa istasyon sa FM at ang masa ay kinakanta puwede na ako sigurong manalig na maningning pa rin ang estrella ng kanyang karera.

Siyempre, busy rin siya sa pagiging mabuting kasintahan kay Juan Carlos at sa kanyang taping para sa weekend program niya na your guess is as good as mine, na sila-sila na rin lang ang nanonood.

At sa mga rabid fantard na may online kampanya dati na dapat i-boycott ang longest reigning and running noon time variety show, pati na rin ang sitcom kung saan bida si Maine at si Bossing Vic Sotto, sigurado namang pahiyang-pahiya at ekis kayo ngayon dahil hindi nagtagumpay ang inyong balak.

Dahil damang-dama pa ang presensya ni Maine Mendoza sa online universe, siguro nga relevant pa siya and she still matters. Naway sa tamang panahon gulatin niya muli tayong lahat with REAL ACTING TALENT para naman maliban sa dub smashin, may maganda at mainam talaga siyang maiambag sa showbiz.

Vilma, Nora buhay na naman ang rivalry

Elated at grateful ang Star for All Seasons Vilma Santos sa parangal na iginawad sa kanya bilang nangunguna sa listahan ng mga pinakadakilang aktres sa kasalukuyang panahon.

Pasok na pasok sa pihikang panlasa at pamantayan ng mga nagpasimuno sa listahan ang brillo at galing ni Santos sa mga katauhang ginampanan niya sa “Anak,” bilang si Josie Macalalag, isang nanay na OFW na may anak na nagrerebelde, sa “Dekada ’70” bilang si Ginang Amanda Bartolome, isang matriarka na hindi sinasadyang malagay sa “alanganin” ang middle class nilang pamumuhay matapos malamang ang isa sa mga anak ay sumanib sa grupong makakaliwa na tahasang lumalaban sa diktaturya, bilang si Loida Malabanan sa “Ekstra: The Bit Player” at bilang Vivian Rabaya sa “Everything About Her,” na real estate tycoon na may estranged relationship sa nag-iisang anak at may taning na sa buhay.

Hindi naman puwedeng kuwestyunin, pagtaasan ng kilay at magdabog ang bangs ng mga duduso at dudosa kung bakit nasa top list si Rosa Vilma Santos-Recto.

Patotoo lang ito na Vilmanians by heart ang mga namili at may akda ng nasabing listahan . Marami talaga ang bumagsak ang panga at nagulat dahil nga marami sa mga artistang isinama rito ay talaga namang “hilaw” at hindi pa nararapat sa pang-uring “greatest” lalo na nga’t pagiging aktres ang pinag-uusapan.

SM food to go Banner Ad

Kamakailan din, ang pumunuan ng Maynila ay isinulong na maging nominado sa pagiging Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula.Ang chances ba ni Ms. Santos na mapasama sa parangal na ito ay mas lalong malinaw na ngayon dahil nga ang ganitong mga kaganapan, eh mabibigat na pagi-endorso naman talaga na hindi pwedeng ikibit balikat ang merito?

Hmmmmm….. mukhang exciting times talaga ang paparating na National Artist Awards . Ngayon pa lang, buhay na buhay na naman ang rivalry nina Vilma at Nora Aunor dahil sa mga pangyayaring ito na hindi naman nila kapwa ginusto.

Boykot kay Bong wa epek


Kahit pa nga may malakasang kampyanya sa social media na huwag suportahan at panoorin ang “Agimat ng Agila” na pinagbibidahan ni Senador Bong Revilla, hindi nagtagumpay ang panawagan.

Mahigpit na yinakap ng mga Kapuso ang agimat action serye ni Revilla dahil palong-palo ang audience share nito at maganda ang digits sa ratings.

Ibig sabihin, may audiences talaga na hinihintay ang pagbabalik ng Titanic Action Star .Kung ano man ang mga inginunguso at tinuturong naging “kasalanan” ni Revilla sa mga tao at bayan, ang mainit na pagtanggap sa kanyang palatuntunan ay nagsasabing pinatawad na siya.

Sa mundo naman ng showbiz, marami ang natuwa na ang senador, kasama sina Congressman Alfred Vargas, at Beautéderm’s Rei Anicoche-Tan ay naging donors sa kauna-unahang community pantry para sa entertainment press.

Ang mga seasoned entertainment journalists Ms. Lolit Solis at TONITE columnist Cristy Fermin, kasama ang ilang katotong entertainment press ang nag-organisa sa nasabing community pantry.

Bilang manunulat sa showbiz, ang sarap maramdaman na ang tulad ni Senador Revilla, kasama ang lahat ng mga sumuporta at nagtaguyod sa community pantry. Tunay na ipinadama ang kanilanhg malasakit at pagmamahal sa showbiz media .

Taos puso po ang aming pasasalamat!

Leave A Reply

Your email address will not be published.