Abante Tonite Interactive

Maine, Vic sanib-puwersa sa sitcom

3,044

tonite-pak-allan-dionesMatutuwa ang Mainatics sa narinig naming chika na gagawa na ng sitcom si Maine Mendoza sa GMA.

Wala pa kaming detalye tungkol dito, ang alam lang namin ay si Vic Sotto ang makakasama ni Maine at mukhang mag-ama ulit ang role nila sa nasabing sitcom.

Unang gumanap na mag-ama sina Bossing at Menggay sa Kalyeserye ng ‘Eat Bulaga’.

Mag-ama rin sila sa first movie ng AlDub na ‘My Bebe Love: #KiligPaMore’ with Ai Ai delas Alas and Alden Richards, na entry sa MMFF 2015.

Mag-ama na naman sina Bossing at Meng sa ginagawa nilang MMFF 2018 entry na ‘Jack en Popoy: The Puliscredibles’ kasama si Coco Martin.

Ang pagkakaalam namin ay co-prod ang Vic-Maine sitcom ng M-Zet Productions ni Bossing with GMA.

Ang huli ni Vic na Kapuso comedy game show na ‘Bossing & Ai’ ay nagtapos sa ere nu’ng Pebrero.

Bago ‘yon ay magkasama rin sina Vic at Ai Ai sa sitcom na ‘Hay, Bahay!’ na tumagal din ng mahigit isang taon.

Ito na nga siguro ‘yung sinasabi ni Alden na nasa ‘exploration stage’ sila ngayon ni Maine at kanya-kanya muna sila ng project.

Ang bongga nu’n, ‘di ba? May ‘Victor Magtanggol’ si Alden at may sariling sitcom naman si Maine?

Happy-happy! PAK!

Richard nag-walkout

Walkout King ang peg ni Richard Quan nang mag-walkout siya sa interview namin last time sa mini presscon ng TOFARM Filmfest 2018.

Maayos ang tsikahan namin ni Richard tungkol sa indie entry niya sa nasabing filmfest na ‘1957’ nang sa bandang dulo ay tanungin siya ng kaibigang Jerry Olea.

Ang generic lang naman ng tanong ni Jerry kung ano ‘yung pinakamatinding intriga kay Richard sa tagal niya showbiz.

Parang walang narinig ang aktor at ang ginawa niya ay pinromowt niya bigla ang kanyang pelikula, tapos ay tumayo siya at unti-unting naglakad palayo sa mesa namin.

Hinahatak namin pabalik si Richard dahil hindi pa namin natatanong ang gusto naming itanong ay nilayasan na niya kami.

Obviously ay umiiwas siyang matanong tungkol sa kanyang scandal video na napanood namin.

Actually, ma-PR naman ang alaga ng kaibigang Noel Ferrer at kabiruan namin ito kaya keribels lang na winokawtan niya kami. Nagtatawanan pa kami dahil na-gets na naming may gusto siyang iwasan na isyu.

Hindi na mabilang ni Richard ang pelikulang nagawa niya. Next year ay 25 years na raw siya sa showbiz.

In fairness ay namimili raw siya ng magandang script at hindi ‘yung tanggap lang nang tanggap.

Aniya, solid ang script ng ‘1957’ at hindi pretensyoso. Interesting ‘yung character niyang si Carding, isang magsasaka sa Bicol na dating miyembro ng Hukbalahap, kaya kahit maliit ang budget ay tinanggap niya ito.

Anak niya rito si Ronwaldo Martin at kasama rin nila si Menggie Cobarrubias bilang malupit at abusadong landlord.
1957 ang taon na namatay si Pangulong Ramon Magsaysay sa isang plane accident.

Ani Richard, bata pa ang mother niya nu’ng time na ‘yon at kinuwento nito sa kanya na mahal na mahal ng mga Pilipino nu’ng panahon na ‘yon si Presidente Magsaysay. Naiyak daw ang mommy niya at halos lahat ng Pinoy nu’ng time na ‘yon dahil sa pagkamatay ni Magsaysay.

Sa Iriga City kinunan ni Direk Hubert Tibi ang ‘1957’ na ang script ay isang araw lang nito sinulat. Ang ganda raw ng lokasyon nila at tagaroon talaga ang pamilya ni direk.

Sa Miyerkules na, September 12, ang simula ng 3rd TOFARM Filmfest na tampok ang anim na agrarian films.