Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maingay na politika

0 106

Ngayon pa lang ay maingay na ang politika sa Pilipinas at isa-isa na ring lumalabas ang mga pangalang ipinapalagay na maaring kumandidato sa pagka-Pangulo ng bansa sa 2022.

Sa listahang ito, sabihin na nating may klarong kalamangan si Vice President Leni Robredo dahil sa kanyang kasalukuyang posisyon.

Ang pagka-Presidente at Bise Presidente ang mga posisyon na binibigyang bigat ng mandato ng taumbayan sa national level.

Kung babalikan natin ang kasaysayan, anim sa mga naging Pangulo ng Pilipinas ay nagmula sa Tanggapan ng Bise Presidente na inookupa ngayon ni VP Leni.

Dahil din dito, nasa posisyon siya na may kalamangan kumpara sa ibang potensyal na kandidato. Kasi nga, itinatakda ng kanyang mandato ang daan patungo sa pagka-Pangulo.

Hindi nga ba’t kabilang din sa konstitusyonal na responsibilidad ng Bise Presidente ay ang maging handa na manilbihan bilang Presidente kung kinakailangan?

Kung isasa-puso at isip niya ang tahaking ito, malaki ang posibilidad ng kanyang pag-upo bilang Pangulo sa 2022.

Sa isang banda, napakaimportante ring patunay na buhay ang sistemang demokratiko sa gobyerno dahil sa desisyon kamakailan ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) kung saan ay idineklara nitong si VP Leni ang lehitimong Bise Presidente ng Pilipinas.

Ang ibig sabihin, ang tatlong beses na pagkapanalo niya ay isang testamento na nararapat si VP Leni sa kanyang mandato.

Teka muna, mainam din sigurong pag-usapan natin ang kabuluhan ng sistema ng pagboto sa Pilipinas.

Nagtataka siguro ang ilan kung bakit hiwalay ang ating paghalal sa Pangulo at Pangalawang Pangulo sa ating bansa kumpara sa Amerika na ibinoboto sila bilang tandem.

Ang Konstitusyon natin ay batay sa Konstitusyon ng Amerika pero klarong mapapansin ang pagkakaiba sa pagpili ng ating top officials.

May ilang konsiderasyon ang mga nagtaguyod ng ating Konstitusyon noong 1935 para sa desisyong ito. Una, dahil sa unicameral na National Assembly, nagbigay ng karapatan ang Konstitusyon ng Commonwealth na atasan ang Bise Presidente na maging bahagi ng Gabinete, isang probisyon na pinanatili ng Konstitusyon ng 1987.

Pangalawa, nagpasya ang mga nagsulat ng Konstitusyon na mahalaga ang pagpapatibay ng hiwalay na mandato ng Bise Presidente sa Presidente. May katuturan ang hiwalay na paghalal sa kanila dahil sa party system ng Pilipinas na naiiba sa Amerika.

Sa Amerika, nahahati lang sa dalawang partido ang mga kandidato habang ang political landscape naman sa Pilipinas ay nagbibigay-daan sa mas maraming partidong may kanya-kanyang pares ng kandidatong Presidente-Bise Presidente na kumakatawan sa iba’t-ibang katayuan sa mga prayoridad at polisiya.

Kaya dahil dito, nagsisilbing safeguard ng ating demokrasya ang hiwalay na pagpili sa Pangulo at Bise Pangulo.

Sa loob ng isang taon at dalawang buwan ay darating na ang susunod na national elections, isa na namang oportunidad ito para masaksihan ang pagpapataw ng mandato at tiwala ng sambayanang Pilipino.

Mahaba pa rin namang panahon ito para mapag-aralan ng mga botante ang ilalatag na plataporma ng mga kandidato.

Sana ay maging matalino po tayo sa pagpili ng mga susunod nating lider lalo pa at marami silang mamanahing problema na dala ng krisis sa pandemya. Isip-isip po tayo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.