Abante Tonite Interactive

Maintenance shutdown ng mga planta, imbestigahan

By
16

Duda ang isang mam­babatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa sabay-sabay na maintenance shutdown ng mga planta na naging dahilan para ilagay sa red alert ang supply ng kuryente lalo na sa Metro Manila.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, kailangang maim­bestigahan ang sabay-sabay na maintenance shutdown ng ilang planta dahil nangyari na umano ito noong Dis­yembre 2013 na naging dahilan ng pagtaas ng presyo ng kuryente.

“Hindi natin maiwasan na magduda dahil nangyari na ito eh, noong Disyembre 2013,” ani Zarate, kaya umano tumaas ng mahigit P4 ang singil sa bawat kilowatt hour ng Manila Electric Company (Meralco).

“Buti na lang hinarang­ ng Korte Suprema,” dagdag ni Zarate, subalit nangyayari na naman umano at kapag hinayaan ay malamang na ang kasunod ay magtaas muli ng singil sa kuryente.

Kahapon ng umaga hanggang hapon ay inilagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa yellow alert ang supply ng kur­yente at kagabi ay inilagay na ito sa red alert.

Ito ay matapos uma­bot umano sa 8,920 megawatt ang nagagastos na kuryente samantalang ang supply ay 9,478 megawatt lamang matapos mag-shutdown ang Sual 2, Calaca 2, Sta. Rita, SLTEC 2 Lima 2 at ­Angat Main 2 power plant.

Dahil dito, inatasan ng mambabatas na ma­ging pro-active ang Energy­ Regulation Commission (ERC) at imbestigahan­ ito dahil hindi ito ang ­unang pangyayari.