Abante Tonite Interactive

Makabuluhang reward ni Angara sa Philippine Marines

By
329

Marami nang reward ang ibinigay ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte sa mga sunda­long nakipag­laban para mapulbos ang teroristang Maute at Abu Sayyaf na pawang kaalyado ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), sa Marawi City.

Inilibre na sila ng Pangulo sa biyahe sa Hong Kong at Japan. Ang mga namatay naman ay binigyan ng sapat na pera ang naulilang pamilya.

Subalit si Senador Sonny Angara, iba ang naisip para mabigyan ng pangmatagalang rekognisyon ang mga miyembro ng Philippine Marine Corps (PMC). Gusto niyang ga­wing independent service branch ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang PMC. Sa kasalukuyan, ang PMC ay isang naval infantry force lamang sa ilalim ng command ng Philippine Navy.

“Despite the lack of charter, the Marines Corps has provided seamless transition of military power between sea and land domains. After their heroism in Marawi and past battles, it’s high time that we reward and recognize their achievements through its institutionalization,”giit ni Angara na miyembro ng PMC Board of Advisers.

Hindi biro ang trabaho ng isang miyembro ng Philippine Marines dahil katulad na rin ng United States Marine Corps at ng British Royal Marines ang kanilang trabaho bilang ‘shock force’ ng armed forces at unang unit na isinasabak sa paglusob sa mga kalaban.

Kaya sa Senate Bill 1731 ni Angara, ang PMC ay magiging ikaapat na sa­ngay ng AFP, kapantay ng Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy. Naniniwala ang senador na malaki ang magiging papel ng PMC sa pagbabantay ng teritoryo ng bansa, partikular sa West Philippine Sea at Philippine Rise.

Tiyak na marami ang sasaludo sa panukala ni Angara, isa na diyan ang unang chief of staff ng AFP na nanggaling sa hanay ng PMC na si dating Senador Rodolfo Biazon.

***

Mukhang wala na yatang ginawang tama si Secretary Arthur Tugade matapos bigyan ng bagsak na grado ni Senadora Grace Poe ang isinumiteng flight rationalization plan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Alam naman ng mara­ming mananakay na hindi pa natatapos ang problema sa MRT-3 at ang problemang idinulot ng paspasang implementasyon ng jeepney modernization program ng gobyerno. Heto na naman si Tugade at nagluto ng hilaw na panukala sa problema ng airport congestion.

Sa ilalim ng rationa­lization plan ng Manila International Airport Authority (MIAA) kung saan tumatayong chairman ng board si Tugade, ang Terminal 1 at 3 ay ipapagamit na lamang sa international flights habang ang Terminal 2 at 4 ay sa domestic flights. Sinakyan pa ni Tugade ang kalokohan ni Speaker Pantaleon Alvarez na ilipat na lamang sa Clark International Airport ang ilang domestic flight sa NAIA.

“The MIAA has been inclined to executive the proposed terminal rationalization without conducting a detailed study on whether this would be the soundest approach to the current situation in NAIA. Neither has there been a concrete plan formed to ensure the smooth execution of the rationalization,” ayon sa report ni Poe, chair ng senate committee on public services.

Ayaw ni Poe sa hilaw na panukala ni Tugade. Siyempre nga naman, kung hilaw na bigas ang ipakain mo sa tao, matutuwa ba sayo ang publiko? Naalala ko tuloy ang pamosong linya ni FPJ kay ‘Manoy’ Eddie Garcia, “‘Di ako kumakain ng bigas, Major. Sinasaing ko muna para maging kanin! Ikaw pala Major, bigas pa lang kinakain mo na.”