Abante Tonite Interactive

Makakaligtas ka ba sa diabetes?

0 430

Six deaths per minute. Nasa 8, 700 ang namamatay araw-araw. Mas matindi pa sa aksidente o pagkamatay sa krimen ang diabetes. Ayon sa talaan ng World Health Organization, umaabot sa 3.2 mil­yon katao ang namamatay kada taon, sa buong mundo, dahil sa diabetes.

Ang diabetes ay hindi lang namamana. Sa ngayon, ito ay isa nang lifestyle disease. Kapag hindi nakakain nang maa­yos, lalo na ng agahan, puro matataba, matatamis at maaalat ang kinakain, walang gulay, prutas at isda sa diet, naninigarilyo at laging puyat, malaki ang tsansa ng taong ganito na magka-diabetes.

Ang mataas na asukal sa dugo ay bunga ng kabiguan ng lapay o pancreas na makagawa ng kinakaila­ngang insulin. Maaari rin namang sumosobra ang ginagawa nitong insulin pero tumatapon lang at hindi nagagamit ng katawan.

Kapag pumasok ang pagkain sa katawan, at ito ay gagamitin na para lumikha ng enerhiya, gumagawa ang lapay ng insulin. Ang insulin na ito ang nagtutulak sa glucose o asukal na pumapasok sa ating dugo at ginagamit na gasoline ng ating katawan. Itinutulak ito mula sa bloodstream patungo sa ating muscle, taba at selula ng atay. Pero kapag kakaunti o sumobra ang insulin, dito na pumapasok ang diabetes.

Ang mga matatamis na inumin tulad ng softdrinks at powdered fruit juice ay nakakadagdag din sa pagtaas ng blood sugar na maaaring ma­ging sanhi ng metabolic problems tulad ng pagtaas ng presyo ng dugo at pagkakaroon ng sakit sa puso.

Ang mga mahihilig ding magkakain ng puting kanin, pasta, patatas at puting tinapay ang malamang na tumaas ang blood sugar.

Pero may pag-asa pa para maiwasan o mapabagal ang kumplikasyon ng diabetes. Kailangan lamang na maitama ang diet, mag-ehersisyo at tigilan ang paninigarilyo.

Kailangan ding magpatingin sa doktor upang maibigay ang mga tamang gamot sa pagkontrol ng diabetes. Bukod kasi sa asukal, kaila­ngang makontrol din ang blood pressure at kolesterol.

Mahalaga rin ang sapat na pagtulog lalo na sa gabi. Ang kakula­ngan sa tulog ay umiistorbo sa mga hormones na kumokontrol sa asukal sa dugo at sa pagkagutom na maaaring maging dahilan naman ng pagtaba.