Abante Tonite Interactive

Makati ba?

483

Marou Pahati Sarne

Nakakahiya kapag inabutan ka ng kati sa pampublikong lugar. Hindi mo malaman kung anong kiskis ang gagawin para maibsan ang kati. Para ka tuloy bulateng inasnan habang nasa daan.

Ganyan ang pakiramdam ng babaeng nangangati ang bukana ng ari. Bakit nga ba nagkakaroon ng vaginal itching?

Ang pangangati, pakiramdam na parang sinisilaban at naiiritang ari ay maaaring bunga ng impeksyon (bacteria­l o yeast infection), nakakahawang sakit bunga ng sex, paghinto ng buwanang dalaw o menopause, at mga kemikal na sanhi ng iritasyon (pabango, lotion, at matapang na sabon).

Maaari ring buma-bagsak ang resistensya o masyadong na-i-stress ang babaeng may iritasyon sa ari.

Bukod sa pangangati, maaari ring mamul­a, mamaga at maglabas ng may amoy na l­ikido ang ari ng isang babae. Napakahirap para sa isang babaeng may ganitong kondisyon ang umihi at makipagniig dahil tiyak na may mararamdamang pananakit.

Magpatingin kaagad sa doktor, partikular sa OB Gynecologist, kung may vaginal itching, burning at irritation. Mag-ehersisyo at dagdagan din ang gulay at prutas sa regular na kinakain, bukod sa pag-inom ng 8 hanggang 12 baso ng tubig araw-araw.

Maaari rin namang subukan ang mga remedy na maaaring makuha sa kusina.

1. Apple Cider Vine-gar – 2 kutsarang apple cider vinegar, ihalo sa isang basong maligamgam na tubig. Gawin itong panghugas ng ari dalawang beses isang araw. Ang antibacterial at antifungal properties ng apple cider vinegar ay makakatulong sa pag-laban sa bacteria at fungus sa ari, at maaari ring makatulong na maibalik ang natural na PH ba-lance ng vagina.

2. Yogurt – kumuha ng plain at walang tamis o flavoring na yogurt. Ipahid ng direkta sa ari at iwanan doon ng 1 oras. Bukod sa papatayin ang bacteria, maaari rin nitong tanggalin ang masangsang na amoy sa ari.

3. Baking Soda – kung mayroong bath tub, maglagay ng ½ tasa ng baking soda sa papaliguang tubig at magbabad ng 20 minuto doon araw araw.

Kailangang panatilihing tuyo lagi ang ari habang nagpapagaling. Kung maghuhugas, kailangang ang paghugas at pagpunas ay mula sa harapan papunta sa likod o sa puwitan. Magsuot lang ng underwear na cotton ang tela at magpalit ng dalawang beses isang araw. Iwasan ang paglalagay ng pantyliner, lalo na ang may pabango, dahil nananatili lamang dito ang bacteria.

Kung maaari, matulog nang walang suot sa ibaba, hanggang sa matapos ang pangangati. Iwasan ang mga pagkaing mata-tamis lalo na kung may diabetes.

At magtiis. Huwag kakamutin kahit na gaano kakati ang ari dahil magsusugat ito at magkakaroon na naman ng panibagong problema sa impeksyon. Ang pinaka-importante, huwag munang makikipagtalik habang may problema ang ari.