Abante Tonite Interactive

Makati Med: Pimentel iresponsable!

0 475

Pumalag ang Makati Medical Center (MMC) sa ginawa umanong paglabag sa protocol ni Senador Aquilino `Koko’ Pimentel III nang samahan pa nito ang manganganak na asawa sa nasabing pagamutan kahit person under investigation (PUI) na siya sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

“Last night [24 March 2020], the strict infection and containment protocols of the Makati Medical Center Delivery Room Complex (MMC-DR) were breached by a Senator of the Republic of the Philippines,” ayon sa pahayag na inilabas ng MMC hinggil sa insidente na nilagdaan ni Dr. Saturnino P. Javier, medical director at interim co-CEO.

Sa kabila umano na nagpositibo ang senador sa COVID-19 testing ay sinamahan pa rin nito ang kanyang asawa na manganganak via cesarean delivery.

“By being in MMC, Senator Pimentel violated his Home Quarantine Protocol, entered the premises of the MMC-DR, thus, unduly exposed healthcare workers to possible infection,” ayon sa MMC.

Sabi ng MMC, dahil sa ginawa ni Pimentel, kinakailangang isailalim sa quarantine ang ilan sa kanilang mga nurse at doktor kung kaya’t mababawasan pa ang kanilang mga hospital staff.

“We denounce the irresponsible and reckless action of the senator,” ayon sa MMC dahil nakadagdag pa umano si Pimentel sa mabigat na nilang kinakaharap na pagtugon sa COVID-19 outbreak.

Tinawag pa ng MMC na “empty rhetoric” ang mga panawagan ni Pimentel sa publiko na sumunod sa social distancing, sa enhanced community quarantine, palagiang maghugas ng kamay at obserbahan ang personal na kalinisan dahil ito mismo ay lumabag sa protocol.

“By his actions, he contributed no solutions. In fact, he created another problem – for Makati Medical Center, the very institution which embraced his wife for obstetric care,” pahayag pa ng MMC.

Tiniyak naman ng MMC na kanila nang pina-decontaminate at disinfect ang delivery room complex at maaari nang gamitin muli. Natukoy na rin ang mga healthcare worker na nakasalamuha ng mambabatas at isasailalim sa quarantine kung kinakailangan.

PIMENTEL NAGPAPALIWANAG PA

Humingi si Pimentel III ng pang-unawa sa publiko matapos siyang batikusin sa social media dahil sa insidente sa MMC.

Paliwanag ni Pimentel na nagpa-swab test siya noong Biyernes at natanggap lang ang resulta noong samahan niya ang manganganak na niyang asawang si Kathryna.

“Una sa lahat, hindi naman ako umuubo so hindi ako nakakalat ng droplets. Wala ako ubo so ‘wag masyado matakot,” giit pa ni Pimentel sa panayam ng himpikang dzEC.

“Understand ko ‘yong natatakot pero ‘wag masyadong mag-discriminate kasi ngayon ko nararamdaman ‘yong discrimination actually,” dagdag nito.

Hiniling nito sa publiko na intindihin na lang ang kanyang sitwasyon dahil excited lang umano siya bilang isang tatay na gusto makita ang una niyang anak kay Kathryna.

“Humihingi na lang po siguro ako ng understanding. Siyempre kahit sino namang tao, ama ay magiging excited. Hindi ko naman po alam,” paliwanag ni Pimentel.

Nang malaman mula sa RITM na nagpositibo siya sa virus, agad umano siyang umalis ng ospital at naiwan doon ang kanyang asawa.

“Nag-disinfect naman ang ospital so tama naman po ‘yong ginawa nila. Umalis agad ako sa ospital, that is my duty,” ayon pa sa senador.

Si Pimentel ang ikalawang senador na nagpositibo sa COVID-19 matapos si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri. (Dindo Matining)