Abante Tonite Interactive

Makati sasaklolo sa mga naiwang hayop

369

Tutulong ang Pamahalaang Lungsod ng Makati sa pagliligtas ng mga hayop na na-trap sa mga delikadong lugar na tinamaan ng pagsabog ng Taal Volcano.

Ayon kay Makati City Mayor Abigail ‘Abby’ Binay, bukod sa kanilang pagpapadala ng mga kagami­tan sa disarter response ay maghahatid din sila ng isang impounding vehicle sa Bauan, Batangas nga­yong araw kasama ang ilang mga tauhan ng Vete­rinary Services Department (VSD) na maglalagak ng mga pagkain ng aso at pusa, bitamina, antibiotics, at antiseptic solution sa atangas Provincial Veterinary Office.

Aniya, mahalagang mailigtas ang mga alagang hayop sa panahon ng mga sakuna dahil bahagi rin ito ng pamilya.

Ayon kay Dr. Ma. Katherina Mangahas, pinunong Makati VSD, ang impounding vehicle ay may walong kulungan na maaaring mapaglagyan ng hanggang 24 na medium sized na mga aso.

Marami sa mga netizen ang nag-aalala para sa kapakanan ng mga hayop na naiwan malapit sa Taal Volcano.

Kumalat sa internet ang mga larawan at vi­deo ng mga hayop, kabilang ang mga kabayo at baka na nababalutan ng abo, bagay na nag-udyok sa mga animal rights group at mga lokal na pamahalaan na magbigay ng pagkain at basic veterinary care sa mga naiwang mga hayop.

Nauna nang ipinag-utos ni Mayor Binay ang pag-deploy ng mga sasakyan at kagamitan ng lungsod na laan sa pagtugon sa sakuna patungong Bauan upang matulungan ang libo-libong mga evacuees mula sa mga lugar na apektado ng patuloy na pagsabog ng Taal Volcano.

Kasabay nito, nanawagan ang DENR na sagipin ang mga hayop na naiwan sa mga lugar sa Batangas at Cavite Umapela si DENR Usec. Benny Antiporda na ibigay sa ahensya ang mga wildlife na makukuha sa isla para sa wastong pangangalaga.

“We are appealing to the public to rescue and turnover to the DENR any wildlife species within the vicinity of Taal Volcano to ensure their safety,” sabi ni Antiporda. (Armida Rico/ Riz Dominguez )

Tonite – Wendys Inhouse Ad