Makinig sa sinasabi ng mga awtoridad

255

Dear Abante Tonite:

Kung inyo pong mapapansin, mga isyung pangkalusugan ang kinaharap natin simula pa noong nakaraang taon katulad ng dengue, polio at African Swine Fever.

Pagpasok ng bagong taon ay nag-alburoto ang Bulkang Taal at hanggang sa kasalukuyan hindi pa matiyak kung magkakaroon ito ng major explosion.

Tapos nagkaroon ng outbreak ng bagong strain ng coronavirus sa Wuhan, China at nakapagtala na rin ng kaso nito sa ilang bansa.

Ang maipapayo ko lang po sa ating mga kababayan ay maging alerto at mapagmatyag sa gitna ng mga balitang may kinalaman sa mga isyung pangkalusugan. Gayundin po sa mga kababayan natin na sinalanta ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Unang-una, makinig sa mga opisyal na impormasyong ibinibigay ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan ka­tulad ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology at Department of Health. Sila ang may kaalaman at awtoridad hinggil sa mga bagay na may kinalaman sa ating kalusugan at kaligtasan.

Huwag tayo maniwala sa mga sabi-sabi lang, kuwentong walang batayan. Lalo lang tayo maliligalig kung makikinig sa mga walang basehang kuwento.

‘Yan lang po ang nais kong iparating sa ating mga kababayan. Maraming salamat po.

Joseph
Calamba, Laguna

Tonite – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...