Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Makupad na emergency assistance

0 181

Nakalagpas na ang NCR Plus Bubble sa pinakamahigpit na community quarantine -ang enhanced community quarantine (ECQ) subalit hindi pa rin natatapos ang pamamahagi ng ayuda sa mga residenteng naapektuhan ng ipinatupad na lockdown simula noong  huling linggo ng Marso hanggang unang linggo ng Abril.
Dahil sa dalawang linggong lockdown ay nagpalabas ang gobyerno ng P23 bilyong pondo  bilang ayuda sa mga mamamayan sa Metro Manila, Bulacan, Cavite,Laguna at Rizal.

Pero ang sabi po ng Malacañang nitong nakalipas na linggo, nasa apat na bilyong piso pa lamang ang naipamigay sa mga benepisyaryo.

Prayoridad sa emergency assistance ang mga manggagawa na pansamantalang nawalan ng pagkakitaan dahil sarado ang mga establisimento o mga kumpanya sa panahon ng ECQ, at kasama rin sa ayuda ang mga pinaka-mahihirap na mamamayan.

Pero marami sa aking nakausap  ang hindi nakatanggap dahil ayon sa kanilang mga opisyal ng barangay, wala ang kanilang pangalan sa orihinal na  listahan ng mga unang nakatanggap ng ayuda noong nakalipas na taon.

Tila ba hindi naintindihan ng mga nasa puwesto ang naging pahayag  ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa mga bibigyan ang mga maliliit na manggagawang natigil ang hanapbuhay dahil sa dalawang linggong lockdown.

Nagtuturuan ang mga opisyal ng barangay at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa sinunod na listahan at bagamat may grievance committee ang DSWD,  maraming mamamayan ang nabigo at  idinaan na lamang sa buntunghininga ang sama ng loob sa inaasam na ayuda.

Mukhang hindi na tayo natuto pagdating sa sistema ng paghahatid ng ayuda. Ang barangay ang higit na nakakaalam kung sino ang mga karapat-dapat  bigyan ng ayuda, pero tila ba may nakatulog sa pansitan.

May mga impormasyong pinagkakitaan naman ng ilang barangay sa Metro Manila ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng pag-iisyu ng barangay certificate sa halagang limampung piso.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang barangay certificate ang magiging basehan umano para mabigyan ng ayuda ang mga taga-barangay.

Bawal po ito, pero tila magaling dumiskarte ang ilang  opisyal ng barangay dahil ikinatwirang ang tig-P50  bayad sa barangay certificate ay para umano sa pagkain ng mga frontliner ng barangay.

Isa pang kalokohan ng ilang opisyal ng barangay ay ang panghihingi umano ng birth certificate ng isang residente para mapabilang ito sa listahan ng mga bibigyan ng ayuda.

Malinaw na pinapahirapan ng iilan lang namang mga opisyal ng barangay ang mga residenteng hindi nila isinama sa  listahan hanggang sa mainis na lamang ang mga ito para hindi na maghabol sa isa hanggang  apat na libong pisong ayuda.

Maraming reklamo sa pamamahagi ng ayuda dahil tila wala pa ring sistema kahit na nagawa na ito ng dalawang beses.

Dahil sa mala-usad pagong na pamimigay ng ayuda, pinalawig pa ang pamamahagi nito hanggang Mayo a kinse para mabigyan lahat ang 22.9 milyong mamamayang dapat na makatanggap nito.

Iilang lugar lamang ang nasa ECQ pero mabagal ang paglabas ng ayuda, ano pa kaya kung ito ay ginawa sa buong bansa, baka namatay na sa gutom ang mga dapat makatanggap nito.

Ayon nga sa kasabihan ” aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo”.

Leave A Reply

Your email address will not be published.