Abante Tonite Interactive

Mala-impiyerno sa mala-paraisong Boracay

By
0 194

Masarap magbakasyon sa Boracay dahil sa magandang tanawin at pinong-pinong buhangin. Pero may isa kang dapat palang ipagdasal habang nasa mala-paraisong islang ito—huwag kang magkakasakit dahil wala raw matinong ospital.

Nitong nakaraang mga araw, nag-viral sa social media ang post ng makeup artist na si Barbi Chan tungkol sa mala-impiyernong karanasan daw nila sa inakalang paraiso na Boracay. Ang siste, nagpunta raw sila sa Bora para doon sana salubungin ang Bagong Taon. Pero ang nangyari, ang kilay yata niya ang nagsalubong dahil sa pagkadismaya niya nang malamang na walang matinong ospital sa isla nang biglang lagnatin nang mataas ang kaniyang batang anak.

Mahaba ang kuwento ni Barbi sa kaniyang post (https://www.facebook.com/barbi.chan/posts/ 10155665062421432) kung saan idinetalye niya ang mala-bungu­ngot na karanasan ng kaniyang pamilya. Dahil wala ngang matinong ospital para malapatan ng kaukulang lunas ang kalagayan ng kaniyang anak, sa isang maliit na klinika muna sila napadpad. Kinalaunan, napilitan na silang ilipad (emergency airlift) pa-Maynila ang kaniyang anak kahit pa “tinaga” sila sa singil nang nakontrata nilang kompanya, na isa pang nagpahirap daw sa pamilya.

In short, naagapan naman ang bata at bumuti na ang kalagayan matapos ang, “72 hours were pure hell for us,” na paglalarawan ni Barbi sa kaniyang post.

Kung tutuusin, masuwerte si Barbi dahil may “sapat” siyang kakayanan sa biglaang paggastos nang malaki para sa “emergency” tulad nang kanilang naranasan sa Bora. Pero papaano ang mga “ordinaryong” bakasyunista na nakalipad lang sa Bora dahil sa promo fare ng mga airline at nagtiyagang mag-check in sa mga maliliit na dorm na hindi beach front? Anong mangyayari sa kanila kung bigla ring atakihin nang matin­ding sakit?

Kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na may nabasa tayong reklamo tungkol sa kawalan ng matinong ospital sa Boracay na maaaring tumugon sa talagang emergency cases at biglaang sakit na malubha [gaya ng stroke]—hindi lang sa mga turista kung hindi maging sa mga residente ng Malay at mga manggagawang nasa Boracay.

Nakalista pa naman ang Malay bilang “first class” municipality ng Aklan at bilyon-bilyon ang kinikita bawat taon dahil sa mga turistang nagpupunta sa Boracay, pero walang matinong ospital? Aba’y paano na lang kaya kung biglang [huwag naman sanang mangyari] magkaroon ng “terror attack” o matinding pagsabog sa Bora gaya nang nangyari noon sa beach destination na Bali, Indonesia, anong gagawin sa mga masasabugan? Ibibiyahe ba sila sa Kalibo na ilang oras ang layo sa Bora?

Maganda sigurong magsagawa ng emergency drill ang Tourism department, kasama ang DOH at DILG sa emergency cases tulad nga terror attack at outbreak o epidemya para malaman nila kung bakit kailangan ang matinong ospital sa isla. Aba’y sa panahong ngayon, dapat advance silang mag-isip at huwag nang maghintay nang trahedya bago pa sila kumilos.
Sa halip na casino, dapat unahin muna yata nila ang ospital na puwedeng maging “wellness center” na rin para pasok pa rin sa turismo. Sa laki nang kinikita sa turismo ng Boracay, aba’y hindi naman siguro kalabisan kung maglaan ng pondo para magpagawa rito ng ospital at taon-taon na laanan ng pondo para maintenance at operational expenses.
Sa halip na magalit sa post ni Barbi, dapat magising ang mga kinauukulan sa katotohanan na panahon na para magkaroon ng matinong ospital sa isla para tugunan ang pa­ngangailangang medikal ng libuo-libong turista na nagpupunta sa Bora, ng libo-libong manggagawang nandoon, at libo-libong residente rin.
Maliban sa isyu ng kalikasan at kapaligiran, makikita rin na may iba pang problema na dapat pagtuunan ng pansin sa Bora para ang mga tao ay hindi maborat. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”