Abante Tonite Interactive

Mala-impiyernong sunog: 100 bahay natupok

351

Mahigit sa 200 pa­milya ang nawalan ng tirahan nang ­tupukin ng apoy ang 100 ­kabahayan sa naganap na sunog sa Parañaque kahapon ng umaga.

Sa report ni Parañaque City Fire Marshal Supt. Jose Callos, alas-8:56 ng umaga nang mag-umpisa ang apoy sa dalawang palapag na bahay ni Ronald Edroso sa may No. 028-J Purok Singko, Silverio Compound, Barangay San Isidro, ng naturang lungsod.

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.

Dahil sa paglaki ng apoy, agad na itinaas sa ikalimang alarma ang sunog dakong alas-9:47 ng umaga at nagawang maapula pasado alas-11:00 ng umaga.
Umabot sa 21 fire trucks buhat sa Bureau of Fire Protection (BFP) at 40 sa mga volunteer groups ang rumesponde sa nasabing lugar.

Sa pagtataya ng BFP, nasa 100 kabahayan ang natupok na may halagang P1 milyong damages.

Aabot naman sa 200 pamilya ang naapektuhan sa sunog at pansamantalang nasa Silverio Elementary School at sa mga covered court. (Armida Rico)