Abante Tonite Interactive

Malabon LGU, naglaan ng 200, 000 reward para sa ‘killer cop’

338

Naglaan ng hala­gang P200,000 bilang reward money ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon, sa sinumang makakapagturo sa ki­naroroonan ng suspek na pumatay sa isang pulis noong Miyerkoles nang gabi sa Malabon City.

Bukod sa pagbibigay ni Mayor Antolin ‘Len Len’ Oreta ng nasabing halaga bilang pabuya, mariin din nitong kinondena ang walang awang pagpaslang kay PSSG. Orlan ‘Lucky Boy’ De Leon, nasa hustong gulang, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Malabon Police Station, naninirahan sa No. 144 D. Stotsenburg St., 10th Avenue, Caloocan City.

Nagpahatid din ng taus-pusong pakikiramay ang alkalde sa pamilya ni De Leon, kasabay sa direktiba sa Malabon PNP ang agarang pagkakadakip ng gunman.

Matatandaan na noong Hulyo 17, 2019, galing ng opisina si De Leon at papauwi na bahay, dakong alas-6:20 nang gabi. Pagsapit sa kahabaan ng Araneta Avenue, Barangay Potrero, Malabon City, binuntutan siya ng la­laking sakay ng motorsiklo at pinagbabaril sa bahaging likuran ng katawan.

Bumagsak si De Leon sa sinasakyan nitong motor at bumaba ang gunman saka mu­ling pinagbabaril ang nasabing pulis.

Nakunan ng CCTV ang pamamaril ng suspek at may mga nakakita ding sibilyan sa insidente, kaya naman minabuti ni Mayor Oreta na magbigay ng reward money para makatulong sa ikalulutas ng kaso.

Ayon naman sa mga kasamahan ni De Leon, patraydor ang pagpatay sa kanya dahil kung harapan ay makakaganti pa ito ng putok sapagkat mahusay sa baril ang biktima.

Sabi ni Mayor Oreta, grabe ang galit ng suspek kay De Leon dahil maari naman itong barilin ng isa o hanggang sa dalawang tama ng bala ngunit lumalabas sa imbestigasyon na 15 beses na pipaputukan ang nasabing pulis.

Umaasa ang alkalde na makakamtan ng pamilya ni De Leon ang minimithing kataru­ngan. (Orlan Linde)