Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Malacañang: Hazard pay sa mga frontliner ibigay

0 241

Kinalampag ng Malacañang ang mga ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa benepisyo ng mga health care worker para ibigay na ang kanilang hazard pay.

Ito’y matapos makarating Malacañang ang ulat na hanggang ngayon ay mayroon pang 16,000 health frontliner ang hindi pa natatanggap ang kanilang COVID-19 hazard pay.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na minsan nang nagalit si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa naantalang benepisyo ng mga nasawi at nagkasakit na ng COVID-19 na mga health worker kaya’t huwag hintaying magalit ito muli.

SM SuperKidsDay Banner Ad

“Ang pakiusap lang po natin, naku, iyong mga tao po na magri-release ng ganitong kabayaran, sana po ay madaliin `no. Dahil noong minsan po na na-delay ang mga ayuda na binibigay sa mga namatayan at nagkasakit na frontliners ay talaga naman pong matindi ang naging galit ng ating Presidente,” ani Roque.

Lumabas sa isang pagdinig ng Senado na hangang ngayon ay mayroon pa ring mga health worker na hindi pa nababayaran sa kanilang COVID-19 hazard pay.

“Iwasan po natin na magalit ang Presidente, palabas na po natin kaagad,” babala ni Roque.(Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.