Abante Tonite Interactive

Malacañang hindi takot sa ICC

274

Hindi nagpakita ng pagkabahala ang Malacañang sa naging pahayag ng International Criminal Court (ICC) na malapit na nilang isapinal ang preliminary examination kung bubuksan ang imbestigasyon kaugnay sa war on drugs sa Pilipinas.

Naniniwala si Presidential Spokesman Salvador Panelo na matutulad lang ito sa naibasurang reklamo nina dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Wala aniyang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas kaya hindi maaaring manghimasok sa soberenya ng bansa.

“As we have maintained earlier, while the Philippines may have been a signatory to the Rome Statute, its membership din not place under the jurisdiction of the ICC because the law that created it did not comply with the publication requirements to pass the due process test imposed by our Constitution,” ani Panelo.

Iginiit ni Panelo na ang alegasyon ng extra judicial killings sa bansa ay hindi saklaw ng definition ng crimes against humanity ng ICC.

Hindi aniya kinukinsinti ng gobyerno ang mga pagpatay at lalong hindi polisiya ng Duterte administration ang pagpatay sa mga sangkot sa illegal drugs.

Kung mayroon man aniyang mga namamatay, ito ay sa dahilang lumalaban ang mga drug suspect sa mga awtoridad. (Aileen Taliping)