Abante Tonite Interactive

Malacañang walang paki sa bangayan ng Taiwan, China

265

Dumistansiya ang Malacañang sa isyu ng Taiwan at China kasunod ng panawagan ng international support ni Taiwan President Tsai Ing-wen dahil umano sa pagbabanta ng China.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi makikialam ang Malacañang sa halip ay haha­yaan nito ang dalawang bansa na lutasin ang kanilang isyu.

Ang tanging concern aniya ng gobyerno ay ang overseas Filipin­o workers (OFW) na nagtatrabaho sa Taiwan na posibleng maapektuhan kapag lumala ang iringan sa pagitan ng dala­wang bansa.

Tiniyak ni Panelo na kikilos ang gobyerno para sa kaligtasan ng OFWs sakaling lumala ang problema sa pagitan ng Taiwan at China.
“Hayaan mo na muna sila. It’s bet­ween the two countries. Tayo ang concern natin ay iyong OFWs. Kapag medyo may problema doon arising out of that conflict, saka tayo kikilos for the safety of our OFWs,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na ipapaubaya na niya sa Department of Fo­reign Affairs (DFA) ang pagpapasya kung magpapahayag ng suporta ang gobyerno sa Taiwan.

Pero sa ngayon aniya ay walang nababanggit at napapag-usapan sa Malacañang hinggil sa nabanggit na usapin.