Abante Tonite Interactive

Malaking hamon sa mga Filipino

By
372

Mukhang nalalapit na ang pagpasok sa bansa ng ‘third player’ sa ‘telecommunications industry’. Ito’y kung pagbabatayan ang pahayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sana sa pagpasok ng bagong ‘player’, ang mga pangit na karanasan ng mga ‘subscriber’ mula sa naghaharing ‘Smart Communications at Globe Telecom’ ay mawala na.

Hanggang ngayon ang mga reklamong text scam, vanishing load, hindi makatuwirang mga charge, depektibong produkto at ang pinakamalupit ang paglabag sa tinatawag ng ‘data privacy violation’ ay naiuulat pa rin.

Abante Hiring – IT dep

Bumaba kaya, sa pagpasok ng bagong ‘player’ ang halaga ng ‘connection charge’ sa internet? Ang biyahe kaya sa ‘information highway’ ay bumilis na hindi katulad ngayon na makupad, bumabagsak pa?

***

Marami ang umaasa na gaganda ang ‘internet service’ sa bansa dahil sa mga ‘technological infrastructure’ na inilalatag sa mga istratehikong lugar sa buong Pilipinas.

Ang ‘connectivity’ ng mga tao mula Aparri sa Luzon at Tawi-Tawi sa Mindanao ay hindi na magiging mahirap.
Dahil mabilis ang dating at palitan ng mga impormasyon, inaasahan na magkakaroon ng epekto ito sa mga komunidad at pamumuhay ng mga tao.

Hindi pa lahat ng mga Filipino ay may cellphone, pero batay sa mga available ‘data’ noong 2017, mahigit 30 milyong Pinoy ang may ‘smartphone’, ibig sabihin ‘internet ready’ ang mga teleponong ito.

Kapag maganda na ang ‘internet service’, sigurado lolobo ang bilang ng mga ‘smartphone’ sa buong bansa.

***
Handa na kaya ang mga Filipino sa positibo at negatibong epekto na idudulot ng ‘digital world’? Gumanda kaya ang pamumuhay ng milyong Filipino dahil makapaglalayag (surf) na nang walang sawa sa ‘internet’?

Baka naman maging bagsakan lang ang Pilipinas ng mga bagong ‘smartphone gadget’ dahil alam ng mga ‘manufacturer’ na ang mga Filipino pagdating sa mga ‘latest’ o bago ay hindi nagpapahuli.

Ano naman kaya ang ‘social cost’ nito sa mga komunidad na dati ay malayo sa tukso na dala ng kaunluran?

Dahil magkakaroon na ng ‘access’ sa mga impormasyon, pangit man o maganda, ano ang katiyakan na hindi mabubulabog ang mga komunidad ng mga krimen na dala ng ‘teknolohiya’?

Malaking hamon ito sa gobyerno, malaking hamon ito sa lahat ng Filipino.