Abante Tonite Interactive

Malaking kawalan si Manoy – Ate Guy

676

Dumalaw sa burol ni Eddie Garcia ang Superstar na si Nora Aunor sa Heritage Memorial Park ng 10 AM kahapon. Nagbigay siya ng huling respeto sa namayapang movie icon na si Eddie Garcia. Malaki ang paghanga ng aktres sa aktor hindi lang bilang katrabaho kundi isang matalik ding kaibigan.

“Malaking kawalan na naman sa industriya ang pagkamatay ng batikang actor/direktor na kung tawagan natin ay si Manoy. Sobra akong nalulungkot sapagkat alam kong sa edad niyang 90 napakalakas pa ng kanyang katawan, walang sakit, malakas ang puso at makikita n’yo naman na sa edad niyang ‘yan ay kaya pa niyang magbitbit ng baril sa isang eksena. Nakikipagbakbakan at nakikipagbarilan pa sa isang eksena,” text-tsika ni Ate Guy.

“Kasama niya ako dapat sa bagong teleseryeng ginagawa niya sa 7 kung saan siya ay naaksidente pero hindi ko na tinanggap dahil sa dalawang pelikulang gagawin ko, ang ‘NINANG CORAZON’ na ididirek ni Arlyn Dela Cruz at ‘ISANG BAHAGHARI’ na ididirek naman ni Direk Joel Lamangan sakaling ito matutuloy.”

Maraming proyektong pinagsamahan sina Eddie at Nora kaya alam ng aktres kung paano siya magtrabaho at pagiging propesyonal nito.

“Siya ang dapat tularan ng mga artista lalo na ang mga baguhang artista. Laging nauuna sa set. Hindi marunong magreklamo. Napaka propesyonal,” tugon niya.

May mensahe ang aktres sa pamilya at maging sa namayapang kaibigan.
“Nakikiramay ako sa lahat ng mga naiwanan niyang mga mahal sa buhay lalo na kay Lilibeth. Ako ay lubos na nakikiramay sa pamilya ni Tito Eddie,” aniya.
“Kay direk Eddie, maraming maraming salamat sa inspirasyong naiwan mo hindi lamang sa akin kundi sa aming lahat na taga-industriya. Mananatili ka sa aking puso saan ka man naroroon ngayon. Mahal kita direk Eddie, aking idolo.” (Rodel Fernando)