Abante Tonite Interactive

Malambot ang BOI sa Hyundai

By
1,650

Pinatawan ng anim na buwan suspension ng Board of Investments (BOI) ang operasyon ng Hyundai Asia Resources, Inc., (HARI).

Ang HARI ang nag-iisang importer at distributor ng mga sasakyan ng Hyundai sa Pilipinas.

Sinuspendi ang operasyon ng HARI dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis sa importasyon ng mga sasakyan mula sa ibang bansa.

Abante Hiring – IT dep

Ang bongga sa panig ng HARI ay ang konsiderasyong ibinigay ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Finance (DOF) dahil binigyan ito ng hanggang anim na buwan para ayusin ang kanilang obligasyon sa gobyerno at bayaran ang mga pagkakautang nito sa buwis.

Hindi lang iyan dahil inatasan din ng DTI at DOF ang Hyundai na sumunod sa ipinatutupad ng Executive Order No. 156 na inisyu ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga kumpanya ng mga sasakyan ang pag-aangkat ng mga luma o gamit ng sasakyan, maliban sa mga truck, bus at tinatawag na mga ‘special-purpose vehicles’.

Ipinatupad ang suspension order sa HARI noong Nobyembre 22 ng nakaraang taon sa ilalim ng Car Development Program (CDP) para sa category III at Commercial Vehicle Development Program (CVDP) para sa category II.

In fairness naman sa BOI ay tuluyan na raw nitong kakanselahin ang partisipasyon ng HARI sa motor vehicle development program (MVDP).

Kanya nga lamang mayroong kondisyon na tuluyan lamang ipatutupad ang kanselasyon sa sandaling mabigo itong maayos ang kanilang obligasyon sa gobyerno sa loob ng anim na buwan.

Ibang klase ano po? Sila na itong lumabag sa ipinaiiral nating batas, sila pa itong bibigyan ng konsiderasyon.

Nasaan naman ang hustisya sa lelembot-lembot na desisyong ito ng BOI.

Walang-wala kayo sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung lumabag sa batas, hindi nagbayad ng tamang buwis at ipasara agad ang direktiba.

Sa kasong ito kasi ng HARI ay ipinakita lamang ng ilang taga-gobyerno na hindi na naman patas ang ating batas.

Hindi lamang iyan dahil base sa lumabas na imbestigasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, napakaraming paglabag sa batas na ginawa ang HARI.

Hindi na natin iisa-isahin pero sa kabuuan ay matinding pandaraya ang kanilang ginagawa, kaya hindi dapat maging malambot sa kanila ang BOI at ipataw sa kanila ang nararapat na parusa.

Huwag na sanang hintayin pa ng BOI na mismong si Pangulong Duterte ang makialam sa usaping ito dahil tiyak na marami ang sasabit, kabilang na ang Bureau of Customs (BOC).