Abante Tonite Interactive

Malasakit Center ni Bong Go pinagtanggol ni Andanar

241

Ipinagtanggol ni Communications Secretary Martin Andanar ang Malasakit Center program na pet project ni Senator Christopher Go kasunod ng mga kritisismo na ginagamit ang operasyon nito bilang ‘partisan tool’.

“Well pulitika iyan eh, siyempre may babatikos talaga. Pero ang maganda ho dito ay iyong naibabalik ho iyong pera ng bayan sa mga kababayan natin sa pamamagitan ng mga medical assistance,” sabi ni Andanar sa Cabinet Report sa Te­leradyo interview.

Ipinaliwanag ng Presidential Communications Operations Office chief na ang pagtatatag ng Malasakit Center sa iba’t ibang lugar sa bansa ay para pagsilbihan ang mahihirap na mamamayan na maka-access sa medical services ng gobyerno.

“Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop, kung ikaw po ay may sakit, ikaw ay mahirap ay nandoon ho lahat, nandoon ang PCSO, nandoon ho iyong PAGCOR, nandoon ho iyong DOH. At kung kailangan mo ng medical assistance ay bibigyan ka agad-agad ng medical assistance,” paliwanag ni Andanar.

“Now, if kulang ang pera mo sa pagbayad ng iyong medical bills ay iyong Malasakit Center ay mayroon po silang sariling pondo na umaabot ng mga 5 to 10 million a month, okay. So imbes na magbabayad pa iyong pasyente doon sa balance ng kaniyang bill – dahil alam mo may limit naman, may cap iyong binibi­gay ng PAGCOR o ng PCSO o ng PhilHealth – iyong remaining balance, babayaran ito ng Malasakit Center,” dagdag pa nito.

Noong nakaraang buwan, hiniling ni Albay Rep. Edcel Lagman na imbestigahan ang pagtatag ng Malasakit Center na inilarawan nitong ‘mere outlets for referral’. Aniya, nagsisilbi itong partisan tool sa halip na isang medical outlet. (Prince Golez)