Abante Tonite Interactive

Malasakit sa mga Taal bakwit hiling ni Tagle

0 124

Hiniling ni Manila Archbi­shop Luis Antonio Cardinal Tagle sa publiko na ipanalanganin ang mga mamamayang apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

Hinimok din ni Tagle ang mga mamamayan na hindi apektado ng kalamidad na sumaklolo sa mga resi­denteng sinalanta ng pagsabog ng bulkan.

Aniya, tanging ang Diyos lamang ang may kakayahang pahupain ang aktibidad ng bulkan na kasaluku­yang nagbubuga ng abo.

Inaalala ni Tagle ang kaligtasan ng mga matatanda, may karamdaman at iba pang nangangailangan ng pagkalinga.

“Diyos na makapangyarihan, mu­ling kaming humaharap sa pagsubok dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal. Napakaliit namin upang harapin ang lakas ng bulkan. Subalit naniniwala kaming mapapahupa ng Iyong kamay ang bangis nito. Iligtas mo po kami sa kapahamakan, lalo na ang mga mahihirap, may karamdaman, mga bata at nakatatanda at nag-iisa,” bahagi ng panalangin ni Tagle

“Paigtingin mo rin sa amin ang pagdadamayan, pagmamalasakit at pangangalaga sa kapwa at kalikasan,” ayon pa kay Tagle. (Juliet de Loza-Cudia)