Abante Tonite Interactive

Malate bagong sentro ng poker sa Maynila

300

Dinadagsa ngayon ang mga tournament ng Asian Poker Federation (APF) sa 5th floor ng Sheraton Manila Bay sa Malate, Manila.

Bukod kasi sa mara­ming foreigner na nasa Malate area, napakamura pa ng buy-in sa mga palaro nila. Unang pasabog ng grupo ay ang Millionaire Maker Event na may garantisadong premyong P5M kahit na P5,500 lang ang buy-in.

Pinauso rin nila ang P500,000 GTD ­tournament na P1,000 lang ang buy-in.

Meron naman silang pinu-promote ngayon na free tournament hanggang level 2.

Pero mula level 3 pataas ay may buy-in na.

Ang problema ay hindi masyadong ­kalakihan ang kanilang venue kaya madalas ay may mga naghinintay na makasalang sa laro.

Sinubukan ko dating sumali sa P500,000 GTD nila, pero halos dalawang oras akong naghintay bago makalaro. Ang problema kapag late kang sumalang, malaki ang posibilidad na maubos ka kaagad dahil sa blinds.

Habang naghihintay ako na makalaro ay nakita ko sa venue ang kasabayan ni Mike Takayama sa bilyar noong mga teenager pa sila na si Revo David.

Nakasama ng inyong lingkod si Revo sa Sydney, Australia noong 2006 kung saan siya ang kinatawan ng Pilipinas sa World Junior 9-Ball Championship.

Kung nakaya ni Mike na umasenso sa poker, hindi imposibleng umangat din si Revo sa ­larong ito. Malaking bagay ang disiplina at tiyaga sa poker at ang mga atletang tulad nina Mike at Revo ay may angking tiyaga at disiplina na nagagamit din nila sa bilyar.

Kung si Mike ang pambato ng Metro Card Club sa Ortigas, posibleng si Revo naman ang maging pambato ng Sheraton sa Malate.

Si Jonas Magpantay kaya kailan lilipat sa poker?