Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Malawakang korapsyon sa DAR

0 275

Nadiskubre ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga hindi naipamahaging titulo ng lupa o Certificates of Land Ownership Award (CLOA) mula taong 1987 hanggang 2020.

Mismong si DAR Secretary John Castriciones nilahad nitong Lunes na nadiskubre ng binuong task force na nakatago sa dalawang sako ang mga dokumento na naglalaman ng 1,620 CLOA at 387 emancipation patent na may petsang mula 1987 hanggang 2020 sakop ang 254,000 hektarya.

Natuklasan umano ang mga titulo sa loob ng Cebu Land Transfer and Implementation Division ng DAR.

Nalantad umano ito dahil sa ginawang pag-iimbestiga upang tugunan ang kabiguang maipamahagi ang mga CLOA sa nagdaang mga taon.

Sasampahan umano ng kaso ang 13 opisyal ng DAR na siyang responsable sa pamamahagi dapat ng mga naturang titulo ng lupa.

Subalit hindi naman pinangalanan ang 13 opisyal at sinabi pa ni Castriciones na ililipat ang mga ito sa ibang puwesto at papalitan ng mga opisyal na walang kinalaman sa kaso para magpatuloy ang operasyon ng tanggapan ng DAR sa Cebu.

Wala umanong karapatan ang mga opisyal ng DAR Cebu na ipitin ang distribusyon ng mga titulo sa oras na naibigay na ito ng kagawaran at Registry of Deeds.

Aalamin pa umano sa isasagawang imbestigasyon kung ano ang motibo ng mga naturang opisyal para hindi ibigay ang mga CLOA sa mga may-ari nito na malinaw umanong labag sa batas.

Mahaharap umano ang mga naturang opisyal sa kasong kriminal at administratibo. (Issa Santiago/Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.