Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Malayo na ngang talaga ang narating ng Sta. Ana hospital

0 143

Malamang ay hindi na lingid sa inyong lahat na sa kasamaang-palad ay naimpeksyon ang inyong lingkod ng COVID-19 sa kabila ng ibayong pag-iingat na aming ginagawa. Hindi na din ito nakagugulat dahil tanggap ko na bahagi ito ng tinatawag na ‘occupational hazards.’

Sa oras na lumabas na ang column na ito, tiyak na ako ay nakabalik na sa trabaho dahil batay sa medical certificate na inisyu sa akin ng aking mga doktor, sina Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla, cardiologist Dr. Paul Lucas at Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) chief Dr. Nerissa Sescon, maari na akong bumalik sa trabaho ng August 29. Ako ay napasok sa ospital ng August 15 at gumaling at nakalabas ng August 25.

Bago niyan, ang aking working partner na si Vice Mayor Honey Lacuna ay gumaling na din at pinalabas ng Sta. Ana Hospital noong August 19. Isang linggo bago ako ay siya naman ang naimpeksyon ng coronavirus.

Kapwa kami nagkaroon ng mild symptoms at nagpapasalamaat na kami ay parehong bakunado na bago pa kami tinamaan ng COVID-19.

Kami po ay walang sawang nangangampanya para lahat ay magpabakuna na dahil bagamat walang katiyakang immunity na dala ang bakuna, ipinakikita naman ng mga pag-aaral na ang mga bakuna ay nakapagbibigay ng proteksyon laban sa pagiging ‘severe or critical’ sakaling ikaw ay maimpeksyon ng COVID-19.

Sa ngalan na din ng aming Vice Mayor Honey, nais kong ipahayag ang aking labis na pasasalamat para sa lahat ng nag-alay ng mga dasal, pagbati at lahat ng uri ng suporta bago, habang at matapos ang panahon ng aming pagkaka-ospital.

Higit sa lahat, walang hanggang pasasalamat sa Diyos dahil sa mabilisan naming paggaling.

Labis ko ring ipinagmamalaki ang Sta. Ana Hospital laluna nang ako mismo ang nakaranas sa uri ng serbisyong ibinibigay doon bilang COVID center ng lungsod, sampu ng mga medical at health frontliners na nangangalaga sa mga pasyente doon. Napatunayan ko mismo na talagang napakalayo na ng narating ng aming ospital pagdating sa paghawak ng COVID cases.

Gayundin, lubos kong ipinagmamalaki ang aming mga kasamahang opisyal at kawani sa pamahalaang-lokal dahil ipinamalas nila sa lahat na gumagana talaga ang sistemang aming naitatag sa umpisa pa lamang at pruweb niyan na walang nabalam na anumang trabaho habang kami ng bise-alkalde ay nagpapagaling sa sakit.

Kabilang na sa mga serbisyong talaga namang nagtuloy-tuloy lamang ay ang aming mass vaccination program na pinamunuan ni Dr. Poks Pangan, hepe ng Manila Health Department, at ng kanyang assistant na si Dr. Ed Santos.

SM food to go Banner Ad

Gaya ng aking pangako, ang mass inoculation sa Maynila ay tuloy-tuloy kahit pa piyesta opisyal o Sabado’t Linggo at maging sa mahabang oras na lagpas sa normal na bilang ng oras ng trabaho. Hanggat may bakuna ay amin itong ituturok dahil kami po ay naniniwala na ang pagbakuna ay dapat na mas mabilis kaysa sa pagkalat ng impeksyon.

Ang pagkakaloob ng mga benepisyo para sa aming mga mahal na senior citizens, persons with disabilities, solo parents at mga mag-aaral sa ilalim ng pamamahala ng Manila department of social welfare na pinamumunuan ni Re Fugoso at ng Office of Senior Citizens’ Affairs sa ilalim ni Marjun Isidro ay wala ding humpay.

Gayundin, ang paglilinis sa lahat ng sulok ng lungsod sa pamamagitan nina Manila Disaster Risk Reduction Management Office chief Arnel Angeles at department of public services chief Kenneth Amurao ay tuloy lamang.

Maging ang aming mga proyektong pabahay at modernong paaralan sa ilalim ng pangangasiwa nina City Engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris at city electrician Randy Sadac ay hindi rin huminto.

Samantala, marami ang nagpapahayag ng pag-aalala na sa oras na kami ni Vice Mayor Honey ay bumalik na sa trabaho ay baka kami muling ma-expose sa virus.

Nauunawaan po namin ito subalit hindi kami maaring magpadaig sa takot at hayaan ito na maapektuhan ang aming pagseserbisyo sa lungsod. Kailangang ituloy namin nang walang humpay ang pagta-trabaho lalupa at tayo ay nasa gitna ng pandemya at walang inaasahan ang mga taga-Maynila kundi ang kanilang gobyerno.

Tuloy po ang pangako namin ni Vice Mayor Honey sa mga Batang Maynila na kahit ano pa ang mangyari ay mananatili kaming nariyan para sa kanila at gagawin naming lahat ang aming makakaya upang mapagbuti ang kanilang buhay sa aming maliit na kaparaanan.

Ang tangi naming magagawa ay magdasal at kumapit sa Panginoon na sana ay patuloy Niya tayong gabayan at protektahan habang ating isinasagawa ang mandato na ibigay ang lahat ng serbisyong maaring ibigay para sa mga mamamayan ng Maynila.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.